dalawang sanaysay tungkol sa alaala
magandang araw! tingnan ninyo kung paano inilahad ng dalawang manunulat ang kanilang mga alaala at pag-isipan kung ano ang pagkakatulad o pagkakaiba sa inyong mga sariling karanasan.
Bisikleta
Ni Mykel Francis C. Andrada
Dito sa No. 20 Iba St., Sta. Mesa Heights, Quezon City ako unang natutong magbisikleta. Anim na taon ako, tag-init, binilhan ako ng Nanay ng bagong bisikleta. ‘Yung matagal ko nang inaawitan dahil naiinggit ako sa magarang bisikleta ng pinsan kong si Kuya Alvin. Maganda ang pulang bisikleta ko – may busina at angkasan, at balancer para di ako sumemplang.
Masarap ang halik ng hangin sa mukha. ‘Pag nagbibisikleta ako noon, pinagmamasdan ako ng ibang mga bata. Sinasabi nila sa akin: “Paangkas naman, pahiram naman, bago ‘yan a, sige na hindi naman namin sisirain.” Sasagutin ko naman sila ng: “Baka ma-flat ang gulong.” Tapos sabi nung kababata kong si Jojie na talagang mapilit: “Hindi ko ‘yan mafa-flat, maingat naman ako, at tsaka sabi nung Nanay ko dapat lang na pahiramin mo ako kasi inutang ng Nanay mo sa Nanay ko ang pambili ng bisikleta mo.”
Masarap ang pagsuklay ng hangin sa buhok. Parang daliri ng Nanay kapag pinapatulog ako. Iyon bang pakiramdam na kumportable ka, parang walang mangyayaring masama sa ‘yo habang natutulog ka dahil alam mong binabantayan ka. Iyon bang kampante kang may sasaklolo sa ‘yo sakaling mahulog ka sa bisikleta. Minsan, nakaka-miss ang ganung pakirarmdam.
Hindi naman ako maramot na bata noon. Kaya lang gusto ko pang magbisikleta nang magbisikleta. Gusto kong ikutin ang buong barangay namin, bumisita sa ibang kalyeng hindi ko pa napupuntahan, tingnan kung magaganda ba ang bahay doon, o pangit tulad ng sa amin. Gusto ko ring madiskubre kung mas mura ba ang halo-halo sa tindahan malapit sa amin o may ibang tindahang nagbebenta ng mas murang halo-halo.
Araw-araw, iba’t ibang kalye ang binibisita ko. Minsan, nasumpungan kong pumunta sa may riles ng tren sa may Algeciras – doon sa may hanay ng mga bahay, doon sa kung saan napakaraming bata. Sabi ng kapitbahay naming matanda, delikado raw doon dahil maraming magnanakaw, baka agawin ang bisikleta ko, ‘pag nangyari raw iyon, lagot ako sa Nanay ko.
Pero pumunta pa rin ako roon. Anumang ipinagbabawal ay siyang gustong-gusto ko namang gawin. Walang may bisikleta roon, kaya nang dumating ako, sinalubong ako ng mga batang-Algeciras – nahihiyang hindi mo maintindihan ang mga matang nakatitig sa akin, sa bisikleta kong pula. Madungis ang kanilang mga mukha at puro libag ang mga braso’t kamay, sunog sa araw ang kanilang mga buhok, at may alingasaw ang kanilang balat. Walang may bisikleta roon. Ang tanging may gulong doon ay ang tren na maya’t maya’y dumaraan – na para sa akin ay kamangha-mangha at kakaiba ngunit para sa kanila ay pangkaraniwang tanawin lamang.
Sa hanay ng nahihiya’t malalamlam na mga mata, sa wakas, ay may nagtangka na ring kumindat sa akin – pasakayin mo naman kami sa bisikleta mo – alok ng mata ng noon siguro’y limang taong-gulang na batang lalaking hindi ko man lamang alam ang pangalan. Hindi naman ako maramot na bata noon pero natakot din ako sa babala ng matandang babae sa kanto ng Iba na laging nananabako tuwing tanghaling tapat.
Sabi ko, “Hindi puwede kasi kailangan ko nang umalis dahil hapon na at papagalitan ako ng Nanay ko ‘pag dumating siya sa bahay at wala ako roon.” Sabi ng batang lalaking hindi ko man lamang natanong ang pangalan, “Sige na, hindi pa ako nakakasakay sa bisikleta at tsaka hindi ko naman nanakawin ‘yan.” Sabi ko, “Hindi talaga puwede kasi kailangan ko nang umalis dahil hapon na at papagalitan ako ng Nanay ko ‘pag dumating siya sa bahay at wala ako roon.
Sabi ng batang lalaking hindi ko man lamang natanong ang pangalan, “Putang ina mo! Madamot ka! Mabangga ka sana!”
Dumidilim na ang langit. Umuwi akong maulap ang mga mata.
INTEROGASYON SA KATAHIMIKAN
jay fernando iii
Walong taon na siyang patay.
Ang totoo’y unti-unti na rin siyang nabubura sa aking isip, minsan-minsan ko na lang siya naaalala. Tulad halimbawa ngayon na anibersaryo ng kanyang kamatayan. Kagabi, may magaan na ulan at kaysarap matulog. Itininuro niya sa akin ang halaga ng himbing. Mawala na ang lahat, huwag lang daw ang kakayahang makatulog nang mahimbing. At oo nga. Unang ninakaw ng kanser ang kakayahan niyang makatulog.
• • •
Si nanay ang pinakamatalinong tao para sa akin. Kapag may nasirang laruan o gamit sa bahay, si nanay ang tinatawag ko. Kapag may problema sa eskwelahan, si nanay ang sumasagot. Mula sa pinakamaliliit, hanggang sa pinakamahahalaga, siya ang bahala. Kaya nang mamatay ang nanay sa kanser, parang pinutulan ako ng mga binti. Maikli lang ang buhay ng tao, sabi ni nanay, Minsan nga, sa sobrang dami ng gusto mong mangyari at sa sobrang bilis ng panahon, hindi ka pa nagsisimula’y di mo alam, kailangan mo nang magtapos. Bata pa ako nang sabihin niya iyon sa akin. Hindi ko siya naintindihan – kaya sa loob ng apat na segundo mula nang tumuntong ako sa loob ng bahay namin at makita ang puting mumurahing kabaong ni nanay sa gitna ng salas hanggang sa pag-akyat ko ng hagdan para magpalit ng damit – galing ako sa eskwelahan – naramdaman kong bigla akong tumanda ng sampung taon. Naintindihan ko ang kanyang sinabi tungkol sa bilis at bagal ng panahon, sa haba at ikli ng buhay. Lalo na kung may mga bagay kang gustong gawin ngunit hindi alam kung papaano.
Kapag namamatay ang isang tao, unang namamatay ang kanyang tae. Halos nagiging malabnaw na putik, parang upos ng sigarilyo na nalusaw sa beer, o kaya’y corned beef na naparami ang sabaw. Wala na ang bahid ng dilaw at pula at bahagyang-bahagya na lang ang atake nito sa ilong. Amoy matapang na kape na hinaluan ng alkohol. Wala na ang kaluluwa ng ‘pagka-tae’ sa taeng ito. Alam ko. Maraming beses na akong nakakita sa bedpan at sa sahig, nilabhan ang mantsa mula sa mga punda ng unan at sa kumot, tinanggal mula sa sandalan ng tumba-tumba. Ika nga’y nabahiran na ang aking mga kamay ng tae ng kamatayan. Hindi nagpapasabi ang tae ng kamatayan. Napansin ko na lang nang minsang naghugas ako ng arinola ni nanay na nag-iba na ang kulay ng kanyang inilabas. Noong una nga’y natuwa pa ako dahil hindi na gaanong sumasalak ang amoy ng kanyang dumi sa aking lalamunan. Pati ang paglilinis ay naging mas madali. Isa pa, kasabay ng pagbabago ng tae ang pagbabago ng maraming mga bagay. Sa kanya at sa akin.
Laging walang tigil si nanay sa pag-iyak tuwing madaling araw. Ayaw pa raw niyang umalis, hindi pa natutupad ang marami sa aming mga pangarap, Paano ko magagawang umalis ngayon? Pero walang puwang ang kanyang mga pangarap sa disoras ng gabi. Kapag sinasabi niyang hindi pa niya kayang mamatay, gusto kong maduwal. Nang mga panahong iyon, nakabarang parang isang kutsarang arina ang lungkot sa aking lalamunan. Pero nang nagsimula na siyang dumumi ng itim, hindi na sumisigaw si nanay tuwing gabi, hindi na siya nagtatanong, ni hindi na nga siya gaanong nagsasalita. Mga iling na lang ang kaya niyang gawin. Kasing kaunti ng duming kanyang inilalabas ang mga katagang kaya niyang sabihin. Minsan, habang sinusubuan ko siya ng malabnaw na lugaw, nakita kong nakatitig siya sa akin. Tanda ko pang inihinto ko muna ang pagpapakain at tinitigan ko rin siya sa mata. Nagtititigan lang kami, tulad ng ginagawa namin noong bata pa ako, noong nagagawa pa naming maglaro. Talo ang unang kumurap.
Nakatitig siya sa akin. Nakatitig ako pero hindi ko magawang tumingin nang diretso. Wala akong lakas ng loob. Pakiramdam ko’y tila ba hinuhubaran ako ni nanay, may hinahanap siya sa loob ng aking mga mata. Ang totoo’y gusto kong magtapat kay nanay ng isang mahalagang bagay bago siya mamatay ngunit maging ako’y di na marinig ang sariling tinig. Marahas na mangingibig ang Katahimikan. Sakal-sakal ako ng di-mawaring pagkabingi.
Paano ako makapagpapaliwanag ng mga bagay na maging ako’y hindi rin maintindihan? At bakit ngayon pa kung kailan dumudumi na siya ng itim? Kung kailan hindi na niya ako maiintindihan? Bakit hindi noong malakas pa siya? At paano ko sasabihin ang mga bagay na hindi matandaan kung paano naganap? Parang trailer sa pelikula, puro eksena, walang pinanggalingan at walang pinatunguhan. Hindi ko siya mapapaniwalang hindi ko ginusto ang mga nangyari – dahil pati ako’y hindi ko rin mapaniwala. Hindi ko masasabi kay nanay na sumunod ako sa pag-akyat at hindi pinilit – ako ang yumakap, tulad ng sinabi sa akin. Na lumukso ang siyam na taong gulang kong dugo pagkakita sa matigas, nagmamayabang, nangangalit na ari. Hindi ko masasabing sinunod ko lang ang bawat iutos sa akin dahil sa takot. Dahil hindi takot ang pumapangibabaw sa akin noong mga panahong iyon.
Paano ko ipapaliwanag na hindi ko magawang magsumbong dahil hindi ko alam kung ano ang mali? Dahil ang totoo’y ginusto ko rin naman. Gusto ko ang pakiramdam sa aking bibig ng init, ng alat at pait, ng tigas. Pero siyam na taon ako kahit na ako na ang naghanap ng susunod pang mga pagkakataon. Paano ko sasabihing kaya ako naiihi sa kama noon at gumigising sa gitna ng gabi na humahangos, pinagpapawisan ng tasa-tasa, dahil nananaginip ako ng paglangoy sa puting-puting dagat ng dagta. Paano ko sasabihing sa panaginip, nahihirapan akong huminga dahil sa malaking ari na nakabaon sa aking mukha?
Nabibilaukan ako. Nabibilaukan ako sa hiya. Sa kanya, sa sarili. Sa kawalan ko ng lakas ng loob, sa kawalan namin ng panahon para sa ganitong mga bagay. Hindi ko kayang bigyan pa siya ng sama ng loob hanggang sa huli niyang hininga pero hinahabol ng panahon ang lahat ng mga pagtatapat. Lalo na ang mga bagay na nagpupumiglas mula sa dibdib. Tuwing sinusubuan ko si nanay ng malabnaw na lugaw at nakikita kong nakatingin siya sa akin, inilalapag ko muna ang kutsarita. Dahil ubod bigat ng kutsaritang iyon. Sa pagkakataong iyon, ginusto kong yakapin ang nanay. Pero pareho na kaming nahihirapang huminga.
• • •
Itininuro sa akin ni nanay ang halaga ng himbing. Mawala na ang lahat, huwag lang ang kakayahang makatulog nang mahimbing.
Kagabi, may magaan na ulan at kaysarap matulog. Ngunit ayaw akong papikitin ng mga alaala. Ang totoo’y unti-unti na rin siyang nabubura sa aking isip, minsan-minsan na lang siya kung dumalaw. Walong taon na siyang patay. Walong taon ng katahimikan.
1 oktubre 2003
0 Comments:
Post a Comment
<< Home