isang di masyadong seryosong kwento--SHET
maikling kuwento raw ito, pero sigurado akong may isa o dalawa (o higit pa) sa inyong may ganitong karanasan, o kaya'y may kakilalang may kaparehong kuwento. subukang ihambing sa dalawang naunang sanaysay.
Shet
(Para sa mga natatae na wala sa oras at wala sa lugar.)
ni Mike Villar
Shet.
Natatae ako.
Nagdeposito naman ako kaninang umaga sa sagradong trono namin pero eto ako’t tila may nagrarambulang mga bulate sa loob ng tiyan ko’t mismong ang mga isaw ko na ang kinakain. Hindi naman ako umorder ng ice cream at softdrinks combo pero eto ako’t pinagpapawisan sa loob ng de aircon na restaurant. Ang masama nito, nasa harapan ko pa ang dream girl ko. First date pa naman namin. Minsan lang akong makatsamba ng Caucasian beauty. Ang hassle naman siguro kung sa una pa lang naming date ay magkakalat na agad ako ng mala-champuradong dyebs sa harapan niya. Buti na lang at busy siya sa pagte-text at mabilisan kong napupunasan ang pawis ko.
“What’s that sound?”
Shet.
Nautot ako.
Dahan-dahan ko na ngang pinasabog iyung lagumpit sa loob ng sikmura ko pero narinig pa rin niya. Buti na lang at hindi umabot sa kanya iyung vibration. Nagpalusot na lang ako’t sinabi ko na baka ringing tone ng cellphone ng lalaking nasa likuran niya. Tumingin siya sa likod niya kaya sinamantala ko na ito at maingat na ni-release iyung gas na bumagabag sa akin. Pinipilit ko na umutot ng walang tunog pero mahirap talagang gawin lalo na’t naiipit ng upuan ang puwet ko’t walang ispasyo para pagdaluyan ng matinding hangin—or utot for short. Baka naman kasi mahalata ako kung iaangat ko yung isang bahagi ng puwet ko para sa pag-release.
Shet.
May sumama.
U.S.T.—as in Utot Sabay Tae na yata itong nangyari sa’kin. Hindi puwede mangyari ‘to. Hindi puwede. Ngayon pa! Kung kailan pa namang nakaputing slacks ako, tsaka pa ako magkakalat. Pero false alarm ata. Muhkang hindi pa naman ako tinatagusan. Pero kahit na. Hindi ko alam kung hanggang kailan ko ‘to matitiis. Concentrate na concentrate na nga ako rito para lang huwag sumilip ‘yung dulo ng ebak ko sa butas ng puwet ko. Huwag lang sana akong gulatin at baka bigla ko na lang itong maibulwak.
“Tikman mo ‘to. It’s so sarap. Aaaah—”
Shet.
She’s sweet.
And I’m sour. Nangangasim na ‘yung sikmura ko sa sakit. Nadagdagan pa ‘tong laman ng tiyan ko dahil sa sinubo niyang chocolate cake. Hindi ko tuloy alam kung dapat kong i-appreciate ‘yung ginawa ng date ko dahil mukhang nakapagpalala lang ‘yung ka-sweetan niya sa kalagayan ko.
“Excuse me, I’ll just go to the Comfort Room.”
Shet.
Naunahan ako.
Gusto ko na rin sanang sumabay sa kanya pero hindi puwede dahil iniwan niya ‘yung mga shopping bag niya sa mesa’t hindi ko naman din puwedeng iwan. Ang hassle naman siguro kung dadalhin ko sa loob ng men’s room. Kaya ang ginawa ko, pumikit na lang ako’t nagmeditate na sana magkaroon ako ng peace of mind—and stomach. Buti na lang at mabilis lang ang mga ritwal niya sa loob ng CR. Hindi na ako nagdalawang isip at ako naman ang tumayo at nagpaalam na magbabanyo.
“Maghihilamos lang.”
Shet.
Ang defensive ko.
Palapit ako ng palapit sa CR, lalong nalalaglag ang atomic bomb. Nasa second floor pa ‘yung banyo’t sa bawat hakbang ko sa hagdanan ay may utot na ‘di ko mapigilang huwag mailabas. Umuubo na lang ako ng pasadya para hindi marinig ng mga taong nasasalubong ko. Sa wakas ay nakarating na rin ako sa paroroonan. Sandali lang ‘to. Sigurado akong pagkaupong-pagkaupo ko sa inidoro, wala pang 10 seconds at tapos na ako.
Shet.
Ang daming tao.
Hindi pa naman ako sanay ng tumatae sa mga public toilet. Bukod sa masikip, nakakahiya rin kasi baka mamaya, maingay ang pagwiwithraw ko’t marinig ng lahat. Baka ikalat pa nila paglabas nila’t baka umabot pa sa date ko. Mahirap na. Mas mabuti na ‘yung sigurado’t ligtas sa anu mang kahihiyan. Pero hindi pa rin nawawala sa isipan ko na mas nakakahiya ang matae sa brief kaysa sa marinig ang utot habang tumatae. Kaya nga nag-iisip ako ng paraan kung paano ko mapapalabas ‘tong mga barako. Nag-isip muna ako sa labas ng banyo nang nakaupo’t nakadikit ang puwet sa may paanan ko para mapigilan ang anumang pagbulwak ng—
Shet.
Alam ko na.
Pumasok ako sa banyo’t nakisiksik sa mga taong nagsasalamin. Naghugas ako ng kamay sabay bunot ng suklay sa bulsa ko’t inayos ang buhok kong hindi naman magulo. Naka-gel pa nga. Siguro mga apat kaming nakatingin sa salamin at nagpapapogi. May dalawa namang umiihi. Buti na lang at libre ‘yung kaisa-isang inidoro sa banyo.
“Sexy pala talaga sa personal si Joyce Jimenez ‘no? Grabe, dati pinapanuod ko lang siya sa sinehan. Ngayon, nagsawa ako sa kakatingin sa kanya sa labas. Mag-isa nga lang na kumakain! Nagpa-autograph pa ‘ko!”
Wala pang isang segundo ang lumilipas at nasa labas na ang mga kasama ko sa banyo. Lumabas ang mga tunay na kulay. Minsan pala ay nakakatulong ang pagiging manyakis ng mga lalaki sa kanilang kapwa, lalo na sa kalagayan ko. Mag-isa na lang ako sa CR. Ako na ang hari ngayon. Kaya uupo na ang hari sa trono.
Shet.
Ang sarap.
Smooth ang flow. Smooth ang sound. Smooth ang atmosphere. Smooth ang feeling. Smooth lahat. Sa wakas at nakaraos din. Ang sarap ng pakiramdam. Ayos, punas time na.
Shet.
Walang tissue.
Baka magtaka na ‘yung date ko. Baka isipin niya na umebak ako. Teka, totoo naman. Pero hassle. Ang hirap gumalaw. Baka may tumulong tidbits kapag naglakad ako papuntang lababo. Wa epek din. Walang tabo.
Shet.
Sana may pumasok na para may mautusan.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home