Thursday, June 30, 2005

mp 10 readings: dagat, bangka, isda

nasa archives na ito, pero ipopost ko na rin para mas madali.

Ang dagat ay misteryo
sa utak ng ligaw na pusa;
isang panibagong konsepto.

(Karl L. Maza)

***

Ang dagat ay taong tahimik,
payapa kapag walang gumugulo,
matindi kung magalit.

(Dulce Victoria R. Ilaya)

***

Ang dagat ay malabnaw na dugo
dahil sa liwanag sa dapithapon
na pinipiga ng araw dito.

(Bethany R. Basis)

***

Ang dagat ay isang bolero,
milyong banidosang ulap,
araw-araw niyang sinusuyo.

(Joseph Keith Anicoche)

***

Ang dagat ay toyong Silver Swan,
maalat na sawsawan
ng katawang puro libag na’t pawisan.

(Sabrina Rica Ellorda)

***

Ang dagat ay ang gabi,
nahulog sa langit at punung-puno
ng kumikislap na salaming durog.

(Bronson Basuel)

***

Ang dagat ay matinding inggit,
nakalulunod, nakapanggagalit
at minsan ay nakapangliliit.

(Janneth C. Calma)

***

Ang dagat ay isang aklat,
nagkalat sa mga salita’t pamagat
na parang mga isdang-alat.

(Kristine Faith C. Moral)

***

Ang dagat ay pagmamahal ng isang ama,
maalat na pawis,
malansang dugo ng pagsisikap.

(Abigail Faith Luistro)

***

Ang dagat ay ang himlayan ng pagkababae,
dalisay at matapang, malinaw at malawak,
sadyang iba mula sa kisig ng lupa.

(CJ De Silva)

***

Ang bangka ay sumasayaw
kahit sa pagpanaw
ng haring araw.

(Winnie J. Dorde)

***

Ang bangka ay ‘sang malaking otap,
huling hapunan ng mangingisda
na sampung buwan nang nawawala.

(Joseph Keith Anicoche)

***

Ang bangka ay kawalang-desisyon,
sa kabila ng daluyong,
sumusunod sa kabi-kabilang alon.

(Abigail Faith Luistro)

***

Ang bangka ay ang matitipunong braso ng kapatagan,
nagpipilit angkinin ang hiwaga ng dagat,
ikinukulong sa kanyang mga bisig, mga yamang nakaw.

(CJ De Silva)

***

Ang bangka ay sapatos,
pilit maglalayag
hanggang sa ito’y mapudpod.

(Riyah Lalaine L. Domingo)

***

Ang isda ay mga salita,
nabibingwit, nababasa,
hinuhuli ng mga bata

(Kristine Faith C. Moral)

Monday, June 20, 2005

mps 10: artikulasyon ng katawan

mp10 montage
sa isang writing activity para sa mps 10, sinagutan ng mga estudyante ang pitong tanong na may kaugnayan sa kanilang sarili. ginawang pangatlong panauhan ang perspektiba, kunwari'y ibang tao ang ikinukuwento. narito ang mga tanong/ pangungusap na itinuloy ng mga estudyante:

1. ito ang katawan ni (pangalan ng estudyante).
2. kinahuhumulingan ko sa katawan ni (pangalan ng estudyante) ang {mga positibong katangian ng sarili).
3. kinasusuklaman ko sa katawan ni (pangalan ng estudyante) ang (mga negatibong katangian sa sarili, o mga ayaw na katangian tungkol sa sarili).
4. masama para kay (pangalan ng estudyante) ang (mga bagay-bagay na nakasasama sa sarili sa iba't ibang lebel).
5. ang masama para kay (pangalan ng estudyante) na ginagawa/ tinatangkilik pa rin niya ay (mga bagay-bagay na bawal o masama ngunit ginagawa pa rin)
6. ang katawan ni (pangalan ng estudyante) ay isang (konkretong imahen na itutumbas sa sarili).
7. sa oras ng pagwawakas, matatandaan ang katawan ni (pangalan ng estudyante) para sa (kung anumang bagay na nais ng indibidwal na maalala tungkol sa kanya sa oras ng kanyang kamatayan).

ayun. marami-rami ang nakapagbigay ng magandang output. sayang at di nakarating ang iba. may mas malaking kopya ng litrato na maaaring ma-download dito.

hanggang sa mga susunod na gawain!