Wednesday, November 17, 2004

knapp's model of relationship escalation and termination

tingnan kung paano ginamit ang iba't ibang yugto sa modelong ito at subukang gumawa ng sariling kuwento mula sa karanasan ninyong magkapareha/ magkagrupo. kung gusto ninyong mag-imbento, walang problema, basta lumabas ang mga yugtong nabanggit (initiation-termination)

Yugto

Stagnating: Uumpisahan ko sa bahaging ito ang aming kuwento. Stagnant, hindi gumagalaw, hindi umuunlad. Kung gumalaw man, nakakulong pa rin ang pagkilos sa mga nabuong harang, at alam kong malaki at malawak na ang harang na ginawa namin para sa isa’t isa. Mahal ko ang pagsusulat, mahal niya ang Diyos. Yung tipo ng pagmamahal na hindi na kinukuwestiyon, sigurado, panghabambuhay. Dito yata sa dalawang mahal namin kami nagsimulang magtapos.

Kaya heto, habang nandito kami sa library at pinanonood ko siyang magsulat ng mga ideyang pinag-iisipan namin para sa huling proyekto sa Kom 3, hindi ko maiwasan ang manghinayang. Simple pa rin siyang magdamit—kamisetang lila at pantalong gawa sa telang batik. Dala pa rin niya ang tibay ng paninindigang nakakabit sa kanyang mga mata, labi, buhok, leeg, braso, sa buong katawan. Nasa kanya pa rin ang impresyong una kong nakita sa kanya, yung tipong hindi mababago ng kahit sino ang paniniwala niya, lalong-lalo na sa Diyos. Nagsasalita ako paminsan-minsan, kunwari’y nakikipagkuwentuhan. Pero ramdam na ramdam ko ang pagkaartipisyal ng aming pag-uusap. Parang mas lalo lang naididiin na nagkataong partners kasi kami kaya kailangan naming magsama.

Kung wala pa ring nagbabago sa aming dalawa, siguro’y ikukuwento na naman niya ang kanyang mga paboritong kagrupo. Babalikan naming dalawa ang mga dulang inihanda namin para kay Mam Gochuico. Uulit-ulitin niya sa akin, at ako naman ay hindi magsasawa sa pakikinig—si Aldrin, BS Math daw yun, at ang galing daw umarte at kumanta (at hihirit akong dati’y BS Math din ako bago ako mag-shift sa Malikhaing Pagsulat), si Lorie at ang kanyang kakaibang kulit (kaya ko naman siya binoto bilang paborito kong Cinderella; sino bang Cinderella bukod sa kanya ang nahulog sa hagdan at nagkaroon ng masayang buhay dahil sa mga pasang nakuha niya?), si Raab, na UP Rep pala (nung una ko ngang nalaman iyon ay agad kong nasabing “kaya pala ganun kayo umarte sa activities!” Nabanggit ko rin yata na minsan ay inakala kong isang block lang sila sa grupo at lahat sila ay UP Rep!), at ang dalawa pa nilang kagrupong hindi ko na maalala ang pangalan, pero natatandaan naming pareho dahil sa pagiging mahiyain at tahimik nila (at sasabihin kong nasa loob lang ang kulo nun). Pagkatapos niyang ikuwento yun ay ako naman ang aalala sa aming bersyon ng Cinderella, at muli niyang pupunahin ang pagiging kakaiba ko. Malalim daw ako masyado (fairy tale ang usapan pero biglang nagkaroon ng LGH—Lolang Ginahasa ng Hapon). At matatapos ang pagkukuwento sa aming magkasabay na pagsesentimiyentong sana’y hindi kami nagkahiwa-hiwalay, na sana’y walang nagbago, na sana’y palaging masaya.

Pero tapos na ang yugtong iyon, ang yugto ng saya at pagkikilanlan. Alam kong alam niyang alam naming ang mga susunod na yugto’y parehong hindi namin gusto, pero tinatanggap namin. Naiintindihan naming dalawa na sa pagtatapos ng huli naming aktibiti ay ang pagtatapos ng pagkakaibigan nina Vlad at Lala. Ilang sandali na lamang ang hinihintay ng mga natitirang yugto.

Avoiding: Busy na pareho, hindi na makakarating sa prayer gathering o sa poetry reading. Lahat na ng palusot ay lumalabas, hanggang sa pareho na kaming magsawa sa mga palusot.

Terminating: Ang di-maiiwasang wakas.

Pero babalikan ko muna ang umpisa:

Initiation: Ipinakilala ako ng kaibigan ng kaibigan ko kay Lala sa isang Youth Christian Gathering. Bigayan lang ng pangalan, pinapasukang eskuwela at ng maliliit na mga detalye tungkol sa isa’t isa, tulad ng pinsan pala ng kaibigan niya yung girlfriend ng kapatid ng kaibigan ng bestfriend ko. Doon namin nalamang pareho kaming taga-UP. Magtatapos na ang Mayo noon, ilang araw na lang at enlistment na para sa unang semestre.

Experimenting: Pangalawang araw na ng klase pero para sa akin ay unang araw pa lang dahil hindi ako pumasok sa unang araw, at doon kami nagkita. Noong una’y hindi ko siya nakilala dahil Laura pala at hindi Lala ang totoo niyang pangalan. Ganoon din naman ang reaksyon niya, dahil ang pagkakarinig pala niya noon ay Brad ang pangalan ko at hindi Vlad. At nang nagkita, kaunting kuwento-kuwento, tanungan ng kurso, ng year level. Tinabihan ko pa nga siya noon at sinabi kong sana’y magkagrupo kami. Pero dahil sa bilangan ang sistema ng pagbuo ng grupo, natural na hindi kami nagsama sa isang grupo. Nagkahiwalay kami kaagad dahil may pinagawa na kaagad si Mam G., bilang introduksyon daw sa komunikasyong pasalita. Bago kami naghiwalay ng upuan ay nagpalitan kami ng cell number. Nakilala ko na sina Kat, Andz, Tristan, Ryan at Bobby, at dumating ang sandaling pagkakataong nakalimutan kong magkaklase nga pala kami ni Lala at nagkakilala na kami noon pa.

Hindi kami nagpalitan ng text kaagad. Ang unang dumating na mensahe mula kay Lala ay ang imbitasyon niya para sa isang prayer rally sa kanilang simbahan. Pinaunlakan ko naman ang imbitasyon.

Intensifying: Mas napalapit kaming dalawa lalo na noong nagkaroon kami ng dyad activity at kailangan naming alamin ang mga bagay tungkol sa isa’t isa.

Ipinakilala sa amin ang Knapp’s models of relationship escalation and termination, ang iba’t ibang forms of questioning, types of interview, at marami pang iba. Dito na lumabas ang aming mga pagkakatulad—pareho kaming shiftee (Siya’y nanggaling sa Chemical Engineering at lumipat sa Food Tech; ako naman ay mula Math patungong Malikhaing Pagsulat), parehong may student organization, parehong ayaw magsuot ng pormal na damit. Magkaiba naman kami sa relihiyon (Kristiyano siya, Katoliko ako), sa ilang hilig tulad ng pagsusulat (noong tinanong ko nga siya kung sa tingin niya’y patay na ang panitikan sa loob ng UP ay oo ang isinagot niya), at sistema ng pananampalataya (mas aktibo siya sa mga gawain sa kanyang relihiyon kesa sa akin). Pero kahit magkaiba kami’y natutuwa pa rin ako sa kanyang sinseridad sa kanyang mga paniniwala at sa kanyang pagtanggap sa mga taong iba ang pagtingin sa mundo. Sabi nga niya sa akin noong tinanong ko siya tungkol sa mga taong may bisyo o nagnanakaw at iba pa, “relate with them but don’t be them.” Ang sabi ko naman, mahirap iyon kapag isasapraktika na. Pero wala naman daw imposible kung pauunlakan ko ang Diyos na mamuhay sa aking kalooban at magsilbing gabay sa akin. Parang ganun yata yung sinabi niya.

Noong tinanong naman niya ako kung anong bagay sa buhay ko ang sigurado, ang una kong nasagot ay ang pagsusulat. Bakit hindi raw si God? “Oo,” sabi ko “pagsusulat saka si God pala.”

Integrating: Kung may mahalagang bagay akong natutunan kay Lala, ito yung pagbibigay prayoridad sa Diyos. Napadalas nga yung pagpupunta ko sa mga pagtitipon sa kanilang relihiyon. Ipinakilala rin niya ako sa mga kagrupo niya sa Youth on FIRE (Faith, Involvement, Relationship at Excellence daw ang ibig sabihin nun). Minsan nga’y nakikisali na rin ako kapag may prayer meeting sila sa org niya tuwing umaga. Hindi ko naman siya gaanong dinadala sa org ko, yung UP UGAT (Ugnayan ng Manunulat). Baka kasi hindi maging komportable si Lala, yun ang naisip ko.

Bonding: Nagsasabihan na kami ng mga sikreto namin sa isa’t isa. Napagtatalunan na rin namin ang mga plano namin pagkatapos naming mag-aral, kung gusto ba naming mag-asawa agad, kung ilang anak, kung pupunta ba kami sa ibang bansa o magtatrabaho sa Pilipinas. Nakagawian na rin namin ang magkape kapag natatapos ang kanilang prayer meeting. Doon nagpapatuloy ang mga kuwento tungkol sa mga buhay na hindi pa nararating at mga alaalang hindi nangyari.

Differentiating: Lumitaw ang kapansin-pansing pagkakaiba namin ni Lala noong isinama ko siya sa isang poetry reading. Nakatulog yata siya noong gabing iyon. Naging mas abala na rin siya sa kanyang mga trabaho sa kanyang grupo at sa kanyang relihiyon. Naging mas aktibo siya sa out-of-town missions, na hindi ko pa naman kayang/gustong gawin. Alam naman naming gumagawa kami ng paraan para magpatuloy ang pagkakaibigan namin, pero habang tumatagal, mas nagiging masaklaw ang aming pagtingin sa mga bagay-bagay, at hindi namin napigilan ang pagtutuon ng pansin sa aming magkaibang interes na nagiging sanhi ng tunggalian.

Circumscribing: Nagpapakita pa rin ako sa prayer rallies at youth gatherings pero hindi na naging regular ang aming pagkakape tuwing matatapos ang mga gawain sa simbahan. Kinakamusta rin niya minsan ang mga naisusulat ko, pero hindi ko na pinapabasa sa kanya tulad noong una kaming nagkakilala. Parang palaging pahaging ang aming pag-uusap, dumadaan lang sa mga harap namin pero hindi naman pumapasok sa loob gaya noon. Nagkakasundo lang kami kapag inaalala namin ang masasayang alaala sa aming Kom 3 class—ang mga aktibiti, ang mga dula-dulaan, ang makukulit pero masasayang classmates at groupmates. Sana’y palagi na lang masaya, sana’y katulad pa rin ng dati. Kahit paulit-ulit naming sabihin iyon ay alam na naming hindi na kami magbabalik sa mga dati naming sarili, kahit na gustuhin pa namin ito.

Stagnating, Avoiding, Terminating. Natapos na namin ang huling requirement para sa aming subject. Inilagay na namin ito sa pigeonhole ni Mam. Nagpaalam kami sa isa’t isa. Pupunta raw siya sa tambayan ng Youth on FIRE, ako naman sa UGAT. Nagpalitan kami ng mga walang kabuhay-buhay na “sige,” tumalikod at naglakad papalayo sa isa’t isa. Siguro’y magkikita pa kami sa ibang mga subject. Siguro’y magiging partners uli kami. Siguro’y magkukuwentuhan uli kami ng mga paborito naming eksena sa klase at buhay sa ibang panahon at pagkakataon.

Siguro.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home