Monday, February 07, 2005

filipino 12: sanaysay na may tig-isang daang salita/ birtuwal na palihan

mukhang may magandang ibubunga ang writing project na ito, isang konseptong hiniram mula sa grupong KATHA.

nakausap ko kani-kanina lang sa pamamagitan ng yahoo messenger si carlos, at nagkaroon kami ng pagkakataon para magkaroon ng birtuwal na workshop ng kanyang ginawang akda. at habang pinagmumunimunihan nating lahat ang mga benepisyo ng information technology sa palitan ng mga ideya, basahin natin ang nagawa ni carlos.

ito yung first draft ng kanyang sanaysay (na, gaya ng napag-usapan namin, ay posible ring maging kuwento):

Disyembre 22, 2004

Kumaripas sa ingay ang aking orasan. Panibagong araw na naman.

Patay na si FPJ.

Bumangon ako mula sa aking higaan at nagsimulang magbihis. Alas diyes na. Mainit na ang araw. Wala nang masakyan. Trapik na naman.

Patay na si FPJ.

Nagsimula na akong maglakbay patungong Ateneo. Sumakay sa dyip patungong San Juan, at pagkatapos ay isa pang dyip papunta namang Divisoria. Bumaba sa V.Mapa at nag LRT patungong Katipunan.

Patay na si FPJ.

Sa Ateneo, nagpalipas ng anim na oras nang gumagawa ng sipnayan, tumatambay, at nakikipagkwentuhan sa mga kaibigan.

Patay na si FPJ.

Umuwi, naglakad. Mainit ang hapon. Sa bahay ay natulog, nagpahinga, at naligo. At nang manood ng TV Patrol World,iisa lang binabanderang balita:

Patay na si FPJ.

O, patay na pala si FPJ?

***

may ilang mga problemang natukoy--bilang ng salita, typo errors, mga ganung bagay. sinubukang ayusin ni carlos at ito ang lumabas:


Disyembre 22, 2004

Kumaripas ang aking orasan. Panibagong araw na naman. Bumangon mula sa aking higaan. Alas diyes na. Mainit ang araw. Wala nang masakyan. Trapik na.

Patay na si FPJ.

Nagsimula akong maglakbay patungong Ateneo. Sumakay sa dyip patungong San Juan, pagkatapos ay dyip papuntang Divisoria. Bumaba sa V.Mapa at nag-LRT patungong Katipunan.

Patay na si FPJ.

Sa Ateneo, nagpalipas ng oras nang gumagawa ng sipnayan, tumatambay, at nakikipagkwentuhan sa mga kaibigan.

Patay na si FPJ.

Umuwi, naglakad. Mainit ang hapon. Sa bahay ay nagpahinga at naligo. At nang manood ng TV Patrol, iisa lang ang bumabanderang balita:

Patay na si FPJ.

***


Thursday, February 03, 2005

fil 11 VV--kilig part 2

ito naman ang pampakilig na ihinanda ni erika denise dizon:

Sa Likod ng Ulap

Bukas na ang aking kaarawan. Bakit tila hindi ako masaya? Nag-aaway kami ni Mama dahil hindi pa handa ang lahat parang wala daw akong paki sa dekorasyon, sa pagkain at kung ilang tao ang darating.

Hindi pa tapos ang aking damit na susuotin na pinagawa ni Mama noong nakalipas na buwan sa kulay na hindi ko naman talaga masyadong gusto dahil tuwing suot ay nagmumukha akong serena.

Hindi ko alam kung bakit wala akong gana. Kung bakit may kulang sa aking kaarawan. Kung bakit may hinahanap-hanap akong hindi naman matagpuan.

Siguo dahil alam kong hindi darating si Papa. Siguro dahil hindi uuwi ang aking mga kuya sina Alex at NIcky mula sa California. Siguro dahil pati ang pinakamatalik kong kaibigan na dito sa Pilipinas nakatira ay hindi makakarating sapagkat sabay ang aming kaarawan, sa huling araw ng Marso, at kinakailangan niyang sumama sa kanyang pamilya sa Subic.

Ang lahat ng ito ay sinubukan kong tanggapin sa aking kalooban. Halos lahat ay mabigat na tinanggap ng aking puso. Halos lahat ngunit hindi lahat.

Lumipas ang gabi at tuwing may tatawag sa aking pangalan, lumilingon akong umaasang Siya ang naghahanap sa akin. Sumisikip ang aking dibdib, pinipilit kong hindi mahulog ang luha dahil baka mahalata ng ibang tao ang aking totoong dinadamdam. May suot akong maskara ng kasiyahan mismo sa araw na dapat sana'y isa sa pinakamaligayang araw sa buhay ko.

Marami sa matatalik kong kaibigan ay dumating. Aangal pa ba ako? Hindi ba dapat ito'y sapat na?

Maganda lumabas ang pula at mga rosas na dekorasyon, hindi kumulang ang pagkain, mirakulong kumasya ang aking damit kahit hindi ako nagdiyeta at marami ang nagpunta. Marami nga pero sa kabila nito, wala pa rin Siya.

Limang segundo na lang. Tatlo...dalawa...isa. Alas dose na ng madaling araw. Tapos na ang aking gabi. Ako'y umaasa na darating pa rin Siya. Baka sakaling Siya ay makahabol kahit paano. Baka sakaling ako ay umaasa para sa wala.

Imposible na.

Nag-aalisan na ang mga tao. Ang sakit pala mabigo.

Ang pinakahuling umalis ay si Gabriela. Ang aking bespren at kababata. Yinakap niya ako ng mahimbing habang nagpaalam. "Huwag ka nang malungkot. Maghintay ka pa." Gusto ko siyang sapakin dahil sa kanyang payo na waring parang tanga. "Ano ka ba! Wala talaga Siya!"

Dahan-dahan siyang tumabi, at sa likod niya, bumukas ang pintuan.

Ako ay napatulala.

"Adrian."

Tama nga pala sila. Kahit sa huling sandali, kahit mukhang wala nang pag-asa, sa likod ng ulap...

Liwanag.

fil 12 VV--kilig

pansinin naman natin ang paglalarawang ito ni geraldine be:

Kamatayan

Kung ang pagkawala ng mga pakiramdam, hindi paghinga, at pagtigil ng mundo ay ilan sa mga palatandaan ng kamatayan, masasabi kong naranasan ko na nga ang mamatay. Nasa silid-aklatan ako noon at tila wala namang nakapansin na may namamatay na pala nang mga panahong iyon. Nagmistulang "slow motion" ang lahat ng nangyayari sa paligid ko noong una. Ngunit nang lumaon, hindi na nakagagalaw pa ang aking katawan kaya hindi na rin gumagana nang tama ang aking mga kalamnan. Masyadong bumilis ang pagtibok ng aking puso, naging mabilis na rin ang pagpalitan ng oxygen at carbon dioxide sa mga cells ko, na nagdulot naman ng hirap sa paghinga.n Kaya pala walang nakapansin sa akin ay dahil pati ang katabi ko ay hindi na rin nagsisikilos. Tumigil na pala ang mundo ko. Hindi na nito ninais pang umikot muli sa araw. Sapagkat sa simpleng pagbati niya sa akin, hinangad kong huminto ang lahat at manatili na lamang sa mga sandaling iyon. Sapagkat sa simpleng pagkaway niya sa akin, minsan pala sa aking buhay, ninais at naramdaman ko ang mamatay...sa kilig.