Wednesday, November 23, 2005

mp 10: tanaw sa buwan

panimulang gawain ng mga bagong katropa sa mp 10, halaw sa piyesang "tanaw sa buwan" ni christine bellen:

salamin ang buwan kagabi
nilayo mula sa panaginip
pinamalas ang totoong alaala
ang hubog ng aking katawan
mga linya sa aking mukha
saksi sa hapdi ng nakaraan

(jamir nino ocampo)

***

puting bulaklak ang buwan kagabi
humahalimuyak sa aking panaginip
tulad ng paru-paro ay gusto ko siyang lapitan
gusto ko itong mahawakan
tinatawag ako ng buwan kagabi
para tikman ang masarap nitong nectar

(jodi lego)

***

boxing gloves ang buwan kagabi.
tinatatadtad ako ng mabibigat na kamao sa aking panaginip,
hanggang sa tumagaktak ang katas ng beefsteak na katawan,
sa malambot na papag,
ang luha ng kapaguran.
isa, dalawa, tatlo.

(abi capa)

***

balon ang buwan kagabi
umaapaw sa aking panaginip
nalulula sa lalim at dilim
malamig ang haplos sa kamay at binti
umaalingawngaw ang sigaw
sa takot at lumbay
habang nawawala sa pandinig

(ralph scott pena)

***

sore eyes ang buwan kagabi
kinati ako sa aking panaginip
puro pula lang ang natatanaw
kamot ng kamot sa kawalan
di makita ang linalakaran
puro muta sa kapaligiran

(lianna d. galit)

***

batingaw ang buwan kagabi
nag-iingay sa aking panaginip
ginigising ang naiidlip kong isipan
at pilit pinababangon sa himbing
ikinalat ang liwanag sa paligid
na parang kulog sa pandinig

(rodrey mark d. goite)

***

ilog ang buwan kagabi
patuloy sa pag-agos sa aking panaginip
nagdulot ng lamig sa aking katawan
sa tubig nitong ang lamig ay walang hanggan
ang tunog ng pagdaloy ay nagdadala
sakit ng damdamin, paglayo sa saya

(diana b. morada)

***

blankong papel ang buwan kagabi
inaalog ako sa panaginip
punan ang walang laman
burahin ang mga mali
walang maisip
kay dami ng mali

(ronaldo m. cruz)

***

tubig ang buwan kagabi
dumadaloy sa aking panaginip
binabasa ang tuyo kong damdamin
hinihilamusan ang puso kong nakalugmok
pinalalamig ang poot
hinuhugasan ang aking pag-iisip

(jamie mangalindan)

***

kapre ang buwan kagabi
naninigarilyo sa aking panaginip
tinitipon sa bibig ang hinihithit
at ulap ng usok sa 'kin hinatid
binalot ako 'di ng matinding init
sa lamig ako'y nanginig

(fatima d. mondragon)

***

mikropono ang buwan kagabi
pinakanta ako sa panaginip
binulahaw ang ibang nananaginip
ng mga kantang bumibirit
na masakit sa tenga
ngunit masaya ang timplada

(kristine dennise g. balagao)

***

bula ang buwan kagabi
lumilipad sa aking panaginip
tumaas, tumaas sa kalawakan
paroon, parito sa aking tanawin
ngunit unti-unti ito'y nalagas
at sa isang iglap pangarap ay napawi

(meryl tracey s. arahan)

***

unggoy ang buwan kagabi
masayang nakalambitin
malungkot dahil nag-iisa
di malirip ang dusa
ngunit maingay at nakangiti
tinatago ang pighati

(joanne marie f. espejo)

***

namboboso ang buwan kagabi
nagtatago sa aking panaginip
sa buwan, wala akong maitago
maging ibang tao, kanyang pinapanood
sabihin man siya'y pakialamero
mahusay namang magtago ng sikreto

(minnette anne p. hamtig)

***

wala ang buwan kagabi
hindi ko siya nakita sa aking panaginip
ni isang sulyap hindi ko nasilip
ang tanging pag-asa ko'y muling
binawi

(alfred capiral)

***

isang malaking kanvas ang buwan kagabi
puti at nakakatakot na espasyo
mahirap simulan
pero masarap tapusin
ano ba ang aking gagawin?
pinturahan ng kasiyahan o kalungkutan?

(ralph daryl r. cedro)

***

tahimik ang buwan kagabi
hindi ako pinapansin sa aking panaginip
walang pakialam kung ano ang nangyari
kahit nabasag ang salamin, walang masabi
nakakabinging katahimikan sa lalim ng gabi
kasalanan ko ba ang iyong pagkabingi?

(chris martin alarcon)

***

makulit ang buwan kagabi
paikot-ikot sa aking panaginip
nanggugulo sa aking isipan
at hinahalungkat ang mga alaalang
akin nang binaon
noong unang panahon

(nina cabangis)

***

lasing ang buwan kagabi
banga ito sa aking panaginip
kung anu-ano ang sinasabi
wala sa sarili
madaldal at walang humpay sa pagkwekwento
makulit, sabog at maligalig

(iza gallego)

***

ilog ang buwan kagabi
tinatangay ako sa panaginip
inaagos sa pampang ng alaala
sa islang puno ng kalungkutan
at doon iniwan ako,
nag-iisa

(vanessa faye r. bolibol)

***

madugo ang buwan kagabi
kinakatay ako sa panaginip
nilulunod niya ako
sa sugat niyang kumikirot
sinubukan kong tumakas
pero nilaga niya akong parang baboy

(jhon rykjem co)

***

lapis ang buwan kagabi
gumagabay sa aking panaginip
tungo sa mga alaalang nais balikan
at sa mga alaalang kinakalimutan
ginagawang makabuluhan
ang paghimbing sa katahimikan

(willhen peneyra)

***

mata ang buwan kagabi
nagmamasid ito sa aking panaginip
parang isang trak ng pinya ang
nakapaligid sa akin
kumukurap, naninitig at kung
minsan ay nanlilisik
bakit ba? may nagawa
ba akong mali?

(ariel alba)

***

may part 2 ito.

1 Comments:

Blogger GFC said...

Ang ganda naman ng mga piyesang ito.

12:23 AM

 

Post a Comment

<< Home