Monday, January 31, 2005

uy, contest!

salihan ninyo ito:

Textula Pinoy: Cellphone Text Poetry Writing Contest

The National Commission for Culture & the Arts, in cooperation with the
Filipinas Institute of Translation, Inc., Globe Telecoms, and the UP
Institute of Creative Writing, has launched TEXTULA PINOY, a text (SMS)
poetry-writing contest. The contest aims to popularize and revitalize the tradition of one of the oldest forms of poetry by using modern technology. A proverb is a short poem commonly composed of two versified rhyming lines. Each line consists of eight syllables, expressing a complete thought. TEXTULA PINOY entries must be written in Filipino and must express love of nature. For example:

1. Sa sampapel na sinayang,
Libong gubat ang pinaslang.

2. Pag gubat inalagaan,
Aani ang sambayanan.

Contestants must submit their entries, by text, to any of the following
numbers:

09279245242 or 09279245243. Entries will be received anytime from
Monday to Friday but not later than 5 p.m. Friday of each contest week. Every
week for the month of February, judges will pick two winners (Text
Makata ng Linggo) who will receive P 5, 000 each. Eight consolation
prizes of P 2,000 each will also be awarded. The winning entries will be compiled
in a book which will be released at the awarding ceremonies. For inquiries,
please call 922-1830.


Wednesday, January 26, 2005

fil 12: paglalarawan ng eksena

ibabahagi ko ang isang kontrobersyal na tekstong ginawa ng isang estudyante. ang panuto: gumawa ng maiksing-maiksing paglalarawan ng isang partikular na eksena. hindi pa kami nakakarami ng mga akdang nababasa, pero itong piyesang ito ang nakahatak ng matinding reaksyon mula sa mga mambabasa. hindi ko muna sasabihin kung sino ang nagsulat:

ANG AKING POPO

Malalim na ang gabi nang mga oras na iyon. Natanaw ko ang bilog na buwan mula sa napakalaking bintana ng silid namin sa dormitoryo. "Lights out" na, kaya't hirap kaming nag-ayos ng mga gamit. Tatlo kaming magkakasama sa silid. Nung una pa lamang ay pinili ko na talaga ang kamang nakapagitna sa dalawa pang kama para may katabi ako sa dalawang gilid. Iyon na ang gabing matagal ko nang kinatatakutan. Hindi umapaw ng luha ang aking mga mata nang malaman ko na hindi siya darating. Paano na kung biglang may sumilip na kakaibang nilalang sa bintana? Ikamamatay ko iyon. Isa lamang ang naging karamay ko nang gabing iyon--ang aking popo. Ito yung unan na hugis "hotdog." Yakap ko ito habang papalalim na nang papalalim ang gabi. Sinubukan kong pakiramdaman na lang ang lambot ng unan upang maalis sa isipan ko ang mga aswang na baka biglang lumitaw. Nang ako'y nagising kinaumagahan, yakap ko pa rin ang popo ko. Sa wakas, napagdaanan ko na rin ang isa sa mga pinaka-kinatatakutan kong pangyayari, at nagawa ko ito dahil kasama ko ang aking popo.

mp 10 mhq1: villanelle at sonnet

masaya sana kung may mp 10 idol at iboboto ng mga tagasubaybay ang paborito nilang mga makata. kung may ganitong klase ng contest, ito ang villanelle at sonnet episode. ilan lamang ito sa mga unang subok sa pagsusulat ng villanelle at soneto. mapapansin kaya ninyo ang ilang mga butas?

Fast-food sushi

Kung bakit matambok itong kanyang pekpek
'pag siya'y papasok sa C.R. ng sakang,
ang 'sang bagay na 'di ko lubos maisip.

yun pala ay may burger, sashimi, pinakbet
at marami pang tinago sa salawal
kung bakit matambok itong kanyang pekpek.

kung paano niya nagawang pumuslit
at maghapunan sa kubetang kainan
ang 'sang bagay na 'di ko lubos maisip.

utuin lang 'tong kostomer na pangit
saka pahawakan nang mahimasmasan
kung bakit matambok itong kanyang pekpek.

'di sila makukuntento sa shorts na hapit
kaya't uulan ng lapad habang dasal
ang isang bagay na 'di ko lubos maisip.

Hanggang alas-singko pa'ng huling paghalik
habang ako rito'y nagninilay-nilay:
kung bakit matambok itong kanyang pekpek
ang 'sang bagay na 'di ko lubos maisip.

(Joseph Keith Anicoche)


Sa Pagbukang Liwayway

Sa pagbukang liwayway ng nagdurusang bayan,
ang maliit na tinig ay madirinig pagkat
mapapasakamay hangad nating kalayaan.

Nagkaisang masa ating kasangkapan
upang ating makamit ang mga hinahangad
sa pagbukang liwayway ng nagdurusang bayan.

Batid naman natin ang mayamang kasaysayan
halina't gamitin sa pagmulat ng bayan at
mapapasakamay hangad nating kalayaan.

Tayo na at mag-aral, suriin ang lipunan
malaking kayamanan ang kaisipang mulat
sa pagbukang liwayway ng nagdurusang bayan.

Sama-samang pagkilos, sama-samang paglaban
Kayhirap mang gawin, laba'y patuloy pa rin pagkat
Mapapasakamay hangad nating kalayaan.

Tayo na't labanan, sakim na pamahalaan
itayo ang karangalan nitong Pilipinas:
sa pagbukang liwayway ng nagdurusang bayan,
mapapasakamay hangad nating kalayaan.

(Julie Ann P. Barrozo)


Tala at Buwan

Kung ang mga tala ay papatak sa 'king pisngi,
at kanilang papawalan ang hikbi at lumbay,
ay yayakapin ko na ang langit at ngingiti,
sabay ang pangakong sa iyo 'di na bibitaw.

At sa 'king pagtulog hahayaan kong sumiping,
at busugin mo ng iyong mga alaala,
ang aking isipan na dekada nang nahimbing,
dahil sa iyong paglisan na d ko kinaya.

Kung ang buwan ay bababa at sa 'kin dadapo,
hahagkan ko na ang kalawakan nang mahigpit,
tatanganan, kailanman hindi isusuko,
ibubulong, ika'y mahal at walang kapalit.

Daig mo ang tala't buwan 'pag ika'y kaharap,
kinang mo'y 'sing taas at lawak ng alapaap.

(Sabrina Rica Ellorda)


Iikot ang Mundo

Luluhod ka rin sa harap ko
Uungol, mahina at impit
Habang hawak ko ang buhok mo.

Kung dati'y pababa tingin mo
Ngayo'y titingala, titirik,
Luluhod ka rin sa harap ko.

Ako'y di titingin sa iyo,
Hahabi ng tula pagpikit
Habang hawak ko ang buhok mo.

Tatawag ka ng mga santo
Datapwa't dati ay malupit
Luluhod ka rin sa harap.

At ang ganitong pagbabago,
Ay di masisiil ng halik
Habang hawak ko ang buhok mo.

At iikot ang ating mundo
Manginginig sa pagpapalit
Luluhod ka rin sa harap ko
Habang hawak ko ang buhok mo.

(Winnie J. Dorde)


Sa Pag-ibig na Isang Sibat ng Dagat

Sa pag-ibig na isang sibat ng dagat
Ay di makalimot ang tao sa emosyon
Na bumabaong parang espadang pilak

Puso mong dalisay na may dalang pilat
Wag mong hayaang maghari ang ambisyon
Sa pag-ibig na isang sibat ng dagat

Ang lungkot mo'y nakatago sa halakhak
Pawang kulay ng romansa ang ilusyon
Na bumabaong parang espadang pilak

Sana'y umibig ka nang tapat sa lahat
Kahit itinakwil ang hamon ng tradisyon
Sa pag-ibig na isang sibat sa dagat

Salaming rosas, masayang namukadkad
Upang gawin ang ninanais na misyon
Na bumabaong parang espadang pilak

Malayang kaluluwa na nakayapak
Sa buhangin ng pangarap na direksyon
Sa pag-ibig na isang sibat sa dagat
Na bumabaong parang espadang pilak

(Stephanie Pascual)

Friday, January 14, 2005

mp10: ilang mga kapansin-pansing tula part 1

ilang mga tulang pumukaw ng atensyon sa unang pasada ng guro:

Ikaw

Sa akin, ang bawat kataga ay luha.
Ang bawat tuldok ay marka ng pagkutya.
Ang bawat pantig ay iyong paggahasa
sa pagtula ng aking musmos na diwa.

Sa akin, ang iyong puso ay talipandas
na salita'y pakpak na pumapagaspas
ngunit sa totoo pala'y paang gasgas
sa iyong paglalakad sa ibang landas.

Sa akin, iyong pagsuyo ay oyayi
na mula sa kaliluhan ihinabi
at sa aking paghimbing ay magkukubli
sa dantay ng kumot ng ibang haligi.

Sa akin, ang bawat awitin ay ulan.
Ang tinig mo'y kulog sa aking isipan
ngunit kahit bagyo ang kinasidlakan,
sa basang lupa ko muling sisimulan.

(Jo Albin Nery)


Pakiusap

Pakibuksan ang pintuan, aking mahal
Ako ay dadaan, ako ay lilisan
Lilibot sa mundong 'di pa nagalawan
Kung saan ako ay Ebang bagong silang.

Kumot ko sa akin ay iyong ibigay
Ako rin ay may karapatang maginaw
Gusto kong matulog nang 'di ginagalaw
Mananaginip na reyna ng tahanan.

Tumalikod ka at huwag akong tignan
Sa dampi ng patpat ay huwag sisigaw
Higit pa rin ang hampas ng iyong kamay
Habang ang layaw ko ay pinipigilan.

Tinig mo ay huwag munang taasan
Tenga ko ay ganyan ang pinagsawaan
Paumanhin na sa iyo at paalam
Ito ang boses ng aking kalayaan.

(Jeffrey Louie Quiambao)


Si Tiya Onding

Nakaupo sa unahan tuwing Linggo
Doon sa simbahan, may suot pang belo
At mula naman Lunes hanggang Sabado
Doon sa madyongan, pustura kuntodo

Tuwing ala-sais nama'y walang mintis
Ang misteryo ng rosaryo'y kanyang banggit
Pagmulat ng mata hanggang sa pagtirik
Singit ng iba ang kanyang nasa isip

Siya talaga'y tunay na madasalin
sa Diyos ay oras-oras kung humiling
Bulong sa Ama'y pagbagsak ni Isabel
Na sa kanyang negosyo ay tanging puwing

'Yan si Tiya Onding, tunay na deboto
Sertipikadong 'sarado' Katoliko
Kung may mag-abot sa simbaha'y libo-libo
Nais pagtakpan ugaling poso-negro

(Ma. Lourdes Arevalo)


Pagkamulat

Lipunang Burges aking kinalakihan,
Walang pakialam sa kapaligiran,
Ayaw pakinggan karaingan ng bayan,
Sarili't pamilya, laman ng isipan.

Ngunit sa pag-unlad ng puso't isipan,
Paniniwala ko'y nagbagong tuluyan,
Natutong suriin lipunan at bayan,
At di nasiyahan sa 'king natuklasan.

Pagsasamantala, lipos ang lipunan,
Mga manggagawa talo sa labanan,
Mga magsasaka nagtanim ng palay,
Ngunit ang sariling t'yan hindi malamnan.

Tayo na't kumilos kasama ang bayan,
"wag nating hayaang tayo ay tapakan,
Karapatan nati'y ating ipaglaban,
nang kalayaang tunay ating makamtan.

(Julie Ann Barrozo)


Pagtakas

Halika, ikaw ay lumapit sa akin
Mapanghusgang mundo, ating lilisanin
Tungo sa lugar na maaaring gawin
Anumang bagay na ating nanaisin.

Halika, tikman, tamis ng isa't isa
Hanggang sa magsabay ang ating paghinga
Hanggang sa balat ko'y maging balat mo na
At mukha mo'y maiukit sa 'king mata.

Halika, sa dibdib ko, ika'y mahiga
'Wag matakot sa sasabihin ng madla.
Magsasama tayo hangga't may 'sang tula
Tungkol sa pag-ibig ng mga makata.

Halika sa ating mapaghihimlayan.
Dito, ibibigay ang kay kamatayan.
Ngunit, pag-ibig nati'y wala nang hanggan.
Halika, hinding-hindi kita iiwan.

(Winnie Dorde)