Friday, January 14, 2005

mp10: ilang mga kapansin-pansing tula part 1

ilang mga tulang pumukaw ng atensyon sa unang pasada ng guro:

Ikaw

Sa akin, ang bawat kataga ay luha.
Ang bawat tuldok ay marka ng pagkutya.
Ang bawat pantig ay iyong paggahasa
sa pagtula ng aking musmos na diwa.

Sa akin, ang iyong puso ay talipandas
na salita'y pakpak na pumapagaspas
ngunit sa totoo pala'y paang gasgas
sa iyong paglalakad sa ibang landas.

Sa akin, iyong pagsuyo ay oyayi
na mula sa kaliluhan ihinabi
at sa aking paghimbing ay magkukubli
sa dantay ng kumot ng ibang haligi.

Sa akin, ang bawat awitin ay ulan.
Ang tinig mo'y kulog sa aking isipan
ngunit kahit bagyo ang kinasidlakan,
sa basang lupa ko muling sisimulan.

(Jo Albin Nery)


Pakiusap

Pakibuksan ang pintuan, aking mahal
Ako ay dadaan, ako ay lilisan
Lilibot sa mundong 'di pa nagalawan
Kung saan ako ay Ebang bagong silang.

Kumot ko sa akin ay iyong ibigay
Ako rin ay may karapatang maginaw
Gusto kong matulog nang 'di ginagalaw
Mananaginip na reyna ng tahanan.

Tumalikod ka at huwag akong tignan
Sa dampi ng patpat ay huwag sisigaw
Higit pa rin ang hampas ng iyong kamay
Habang ang layaw ko ay pinipigilan.

Tinig mo ay huwag munang taasan
Tenga ko ay ganyan ang pinagsawaan
Paumanhin na sa iyo at paalam
Ito ang boses ng aking kalayaan.

(Jeffrey Louie Quiambao)


Si Tiya Onding

Nakaupo sa unahan tuwing Linggo
Doon sa simbahan, may suot pang belo
At mula naman Lunes hanggang Sabado
Doon sa madyongan, pustura kuntodo

Tuwing ala-sais nama'y walang mintis
Ang misteryo ng rosaryo'y kanyang banggit
Pagmulat ng mata hanggang sa pagtirik
Singit ng iba ang kanyang nasa isip

Siya talaga'y tunay na madasalin
sa Diyos ay oras-oras kung humiling
Bulong sa Ama'y pagbagsak ni Isabel
Na sa kanyang negosyo ay tanging puwing

'Yan si Tiya Onding, tunay na deboto
Sertipikadong 'sarado' Katoliko
Kung may mag-abot sa simbaha'y libo-libo
Nais pagtakpan ugaling poso-negro

(Ma. Lourdes Arevalo)


Pagkamulat

Lipunang Burges aking kinalakihan,
Walang pakialam sa kapaligiran,
Ayaw pakinggan karaingan ng bayan,
Sarili't pamilya, laman ng isipan.

Ngunit sa pag-unlad ng puso't isipan,
Paniniwala ko'y nagbagong tuluyan,
Natutong suriin lipunan at bayan,
At di nasiyahan sa 'king natuklasan.

Pagsasamantala, lipos ang lipunan,
Mga manggagawa talo sa labanan,
Mga magsasaka nagtanim ng palay,
Ngunit ang sariling t'yan hindi malamnan.

Tayo na't kumilos kasama ang bayan,
"wag nating hayaang tayo ay tapakan,
Karapatan nati'y ating ipaglaban,
nang kalayaang tunay ating makamtan.

(Julie Ann Barrozo)


Pagtakas

Halika, ikaw ay lumapit sa akin
Mapanghusgang mundo, ating lilisanin
Tungo sa lugar na maaaring gawin
Anumang bagay na ating nanaisin.

Halika, tikman, tamis ng isa't isa
Hanggang sa magsabay ang ating paghinga
Hanggang sa balat ko'y maging balat mo na
At mukha mo'y maiukit sa 'king mata.

Halika, sa dibdib ko, ika'y mahiga
'Wag matakot sa sasabihin ng madla.
Magsasama tayo hangga't may 'sang tula
Tungkol sa pag-ibig ng mga makata.

Halika sa ating mapaghihimlayan.
Dito, ibibigay ang kay kamatayan.
Ngunit, pag-ibig nati'y wala nang hanggan.
Halika, hinding-hindi kita iiwan.

(Winnie Dorde)

0 Comments:

Post a Comment

<< Home