Thursday, November 25, 2004

kom 2 link: intellectual property law

i-click ninyo ito para makapunta sa chan robles website.

Tuesday, November 23, 2004

mp 10 favorites: dagat, bangka, isda

ito yung mga piyesang sa tingin ko'y medyo nakaangat nang kaunti sa iba pang mga piyesa. karamihan ay puwede na ngang ituring bilang tula.

pansinin ninyo kung paano iniugnay ng mga manunulat na ito ang konsepto ng dagat, bangka at isda sa iba pang konsepto. kung babasahin ninyo ang mga ito, masasabi ninyong karamihan sa kanila ay may mga kakaibang pagtingin, mga di-pamilyar na pag-uugnay sa tatlong pangalan.

wala itong tiyak na pagkakasunud-sunod (bagaman may mga paborito na ako. kayo, sino ang magiging top 1 kaya dito?)

game!

***

Ang dagat ay misteryo
sa utak ng ligaw na pusa;
isang panibagong konsepto.

(Karl L. Maza)

***

Ang dagat ay taong tahimik,
payapa kapag walang gumugulo,
matindi kung magalit.

(Dulce Victoria R. Ilaya)

***

Ang dagat ay malabnaw na dugo
dahil sa liwanag sa dapithapon
na pinipiga ng araw dito.

(Bethany R. Basis)

***

Ang dagat ay isang bolero,
milyong banidosang ulap,
araw-araw niyang sinusuyo.

(Joseph Keith Anicoche)

***

Ang dagat ay toyong Silver Swan,
maalat na sawsawan
ng katawang puro libag na’t pawisan.

(Sabrina Rica Ellorda)

***

Ang dagat ay ang gabi,
nahulog sa langit at punung-puno
ng kumikislap na salaming durog.

(Bronson Basuel)

***

Ang dagat ay matinding inggit,
nakalulunod, nakapanggagalit
at minsan ay nakapangliliit.

(Janneth C. Calma)

***

Ang dagat ay isang aklat,
nagkalat sa mga salita’t pamagat
na parang mga isdang-alat.

(Kristine Faith C. Moral)

***

Ang dagat ay pagmamahal ng isang ama,
maalat na pawis,
malansang dugo ng pagsisikap.

(Abigail Faith Luistro)

***

Ang dagat ay ang himlayan ng pagkababae,
dalisay at matapang, malinaw at malawak,
sadyang iba mula sa kisig ng lupa.

(CJ De Silva)

***

Ang bangka ay sumasayaw
kahit sa pagpanaw
ng haring araw.

(Winnie J. Dorde)

***

Ang bangka ay ‘sang malaking otap,
huling hapunan ng mangingisda
na sampung buwan nang nawawala.

(Joseph Keith Anicoche)

***

Ang bangka ay kawalang-desisyon,
sa kabila ng daluyong,
sumusunod sa kabi-kabilang alon.

(Abigail Faith Luistro)

***

Ang bangka ay ang matitipunong braso ng kapatagan,
nagpipilit angkinin ang hiwaga ng dagat,
ikinukulong sa kanyang mga bisig, mga yamang nakaw.

(CJ De Silva)

***

Ang bangka ay sapatos,
pilit maglalayag
hanggang sa ito’y mapudpod.

(Riyah Lalaine L. Domingo)

***

Ang isda ay mga salita,
nabibingwit, nababasa,
hinuhuli ng mga bata

(Kristine Faith C. Moral)

Wednesday, November 17, 2004

knapp's model of relationship escalation and termination

tingnan kung paano ginamit ang iba't ibang yugto sa modelong ito at subukang gumawa ng sariling kuwento mula sa karanasan ninyong magkapareha/ magkagrupo. kung gusto ninyong mag-imbento, walang problema, basta lumabas ang mga yugtong nabanggit (initiation-termination)

Yugto

Stagnating: Uumpisahan ko sa bahaging ito ang aming kuwento. Stagnant, hindi gumagalaw, hindi umuunlad. Kung gumalaw man, nakakulong pa rin ang pagkilos sa mga nabuong harang, at alam kong malaki at malawak na ang harang na ginawa namin para sa isa’t isa. Mahal ko ang pagsusulat, mahal niya ang Diyos. Yung tipo ng pagmamahal na hindi na kinukuwestiyon, sigurado, panghabambuhay. Dito yata sa dalawang mahal namin kami nagsimulang magtapos.

Kaya heto, habang nandito kami sa library at pinanonood ko siyang magsulat ng mga ideyang pinag-iisipan namin para sa huling proyekto sa Kom 3, hindi ko maiwasan ang manghinayang. Simple pa rin siyang magdamit—kamisetang lila at pantalong gawa sa telang batik. Dala pa rin niya ang tibay ng paninindigang nakakabit sa kanyang mga mata, labi, buhok, leeg, braso, sa buong katawan. Nasa kanya pa rin ang impresyong una kong nakita sa kanya, yung tipong hindi mababago ng kahit sino ang paniniwala niya, lalong-lalo na sa Diyos. Nagsasalita ako paminsan-minsan, kunwari’y nakikipagkuwentuhan. Pero ramdam na ramdam ko ang pagkaartipisyal ng aming pag-uusap. Parang mas lalo lang naididiin na nagkataong partners kasi kami kaya kailangan naming magsama.

Kung wala pa ring nagbabago sa aming dalawa, siguro’y ikukuwento na naman niya ang kanyang mga paboritong kagrupo. Babalikan naming dalawa ang mga dulang inihanda namin para kay Mam Gochuico. Uulit-ulitin niya sa akin, at ako naman ay hindi magsasawa sa pakikinig—si Aldrin, BS Math daw yun, at ang galing daw umarte at kumanta (at hihirit akong dati’y BS Math din ako bago ako mag-shift sa Malikhaing Pagsulat), si Lorie at ang kanyang kakaibang kulit (kaya ko naman siya binoto bilang paborito kong Cinderella; sino bang Cinderella bukod sa kanya ang nahulog sa hagdan at nagkaroon ng masayang buhay dahil sa mga pasang nakuha niya?), si Raab, na UP Rep pala (nung una ko ngang nalaman iyon ay agad kong nasabing “kaya pala ganun kayo umarte sa activities!” Nabanggit ko rin yata na minsan ay inakala kong isang block lang sila sa grupo at lahat sila ay UP Rep!), at ang dalawa pa nilang kagrupong hindi ko na maalala ang pangalan, pero natatandaan naming pareho dahil sa pagiging mahiyain at tahimik nila (at sasabihin kong nasa loob lang ang kulo nun). Pagkatapos niyang ikuwento yun ay ako naman ang aalala sa aming bersyon ng Cinderella, at muli niyang pupunahin ang pagiging kakaiba ko. Malalim daw ako masyado (fairy tale ang usapan pero biglang nagkaroon ng LGH—Lolang Ginahasa ng Hapon). At matatapos ang pagkukuwento sa aming magkasabay na pagsesentimiyentong sana’y hindi kami nagkahiwa-hiwalay, na sana’y walang nagbago, na sana’y palaging masaya.

Pero tapos na ang yugtong iyon, ang yugto ng saya at pagkikilanlan. Alam kong alam niyang alam naming ang mga susunod na yugto’y parehong hindi namin gusto, pero tinatanggap namin. Naiintindihan naming dalawa na sa pagtatapos ng huli naming aktibiti ay ang pagtatapos ng pagkakaibigan nina Vlad at Lala. Ilang sandali na lamang ang hinihintay ng mga natitirang yugto.

Avoiding: Busy na pareho, hindi na makakarating sa prayer gathering o sa poetry reading. Lahat na ng palusot ay lumalabas, hanggang sa pareho na kaming magsawa sa mga palusot.

Terminating: Ang di-maiiwasang wakas.

Pero babalikan ko muna ang umpisa:

Initiation: Ipinakilala ako ng kaibigan ng kaibigan ko kay Lala sa isang Youth Christian Gathering. Bigayan lang ng pangalan, pinapasukang eskuwela at ng maliliit na mga detalye tungkol sa isa’t isa, tulad ng pinsan pala ng kaibigan niya yung girlfriend ng kapatid ng kaibigan ng bestfriend ko. Doon namin nalamang pareho kaming taga-UP. Magtatapos na ang Mayo noon, ilang araw na lang at enlistment na para sa unang semestre.

Experimenting: Pangalawang araw na ng klase pero para sa akin ay unang araw pa lang dahil hindi ako pumasok sa unang araw, at doon kami nagkita. Noong una’y hindi ko siya nakilala dahil Laura pala at hindi Lala ang totoo niyang pangalan. Ganoon din naman ang reaksyon niya, dahil ang pagkakarinig pala niya noon ay Brad ang pangalan ko at hindi Vlad. At nang nagkita, kaunting kuwento-kuwento, tanungan ng kurso, ng year level. Tinabihan ko pa nga siya noon at sinabi kong sana’y magkagrupo kami. Pero dahil sa bilangan ang sistema ng pagbuo ng grupo, natural na hindi kami nagsama sa isang grupo. Nagkahiwalay kami kaagad dahil may pinagawa na kaagad si Mam G., bilang introduksyon daw sa komunikasyong pasalita. Bago kami naghiwalay ng upuan ay nagpalitan kami ng cell number. Nakilala ko na sina Kat, Andz, Tristan, Ryan at Bobby, at dumating ang sandaling pagkakataong nakalimutan kong magkaklase nga pala kami ni Lala at nagkakilala na kami noon pa.

Hindi kami nagpalitan ng text kaagad. Ang unang dumating na mensahe mula kay Lala ay ang imbitasyon niya para sa isang prayer rally sa kanilang simbahan. Pinaunlakan ko naman ang imbitasyon.

Intensifying: Mas napalapit kaming dalawa lalo na noong nagkaroon kami ng dyad activity at kailangan naming alamin ang mga bagay tungkol sa isa’t isa.

Ipinakilala sa amin ang Knapp’s models of relationship escalation and termination, ang iba’t ibang forms of questioning, types of interview, at marami pang iba. Dito na lumabas ang aming mga pagkakatulad—pareho kaming shiftee (Siya’y nanggaling sa Chemical Engineering at lumipat sa Food Tech; ako naman ay mula Math patungong Malikhaing Pagsulat), parehong may student organization, parehong ayaw magsuot ng pormal na damit. Magkaiba naman kami sa relihiyon (Kristiyano siya, Katoliko ako), sa ilang hilig tulad ng pagsusulat (noong tinanong ko nga siya kung sa tingin niya’y patay na ang panitikan sa loob ng UP ay oo ang isinagot niya), at sistema ng pananampalataya (mas aktibo siya sa mga gawain sa kanyang relihiyon kesa sa akin). Pero kahit magkaiba kami’y natutuwa pa rin ako sa kanyang sinseridad sa kanyang mga paniniwala at sa kanyang pagtanggap sa mga taong iba ang pagtingin sa mundo. Sabi nga niya sa akin noong tinanong ko siya tungkol sa mga taong may bisyo o nagnanakaw at iba pa, “relate with them but don’t be them.” Ang sabi ko naman, mahirap iyon kapag isasapraktika na. Pero wala naman daw imposible kung pauunlakan ko ang Diyos na mamuhay sa aking kalooban at magsilbing gabay sa akin. Parang ganun yata yung sinabi niya.

Noong tinanong naman niya ako kung anong bagay sa buhay ko ang sigurado, ang una kong nasagot ay ang pagsusulat. Bakit hindi raw si God? “Oo,” sabi ko “pagsusulat saka si God pala.”

Integrating: Kung may mahalagang bagay akong natutunan kay Lala, ito yung pagbibigay prayoridad sa Diyos. Napadalas nga yung pagpupunta ko sa mga pagtitipon sa kanilang relihiyon. Ipinakilala rin niya ako sa mga kagrupo niya sa Youth on FIRE (Faith, Involvement, Relationship at Excellence daw ang ibig sabihin nun). Minsan nga’y nakikisali na rin ako kapag may prayer meeting sila sa org niya tuwing umaga. Hindi ko naman siya gaanong dinadala sa org ko, yung UP UGAT (Ugnayan ng Manunulat). Baka kasi hindi maging komportable si Lala, yun ang naisip ko.

Bonding: Nagsasabihan na kami ng mga sikreto namin sa isa’t isa. Napagtatalunan na rin namin ang mga plano namin pagkatapos naming mag-aral, kung gusto ba naming mag-asawa agad, kung ilang anak, kung pupunta ba kami sa ibang bansa o magtatrabaho sa Pilipinas. Nakagawian na rin namin ang magkape kapag natatapos ang kanilang prayer meeting. Doon nagpapatuloy ang mga kuwento tungkol sa mga buhay na hindi pa nararating at mga alaalang hindi nangyari.

Differentiating: Lumitaw ang kapansin-pansing pagkakaiba namin ni Lala noong isinama ko siya sa isang poetry reading. Nakatulog yata siya noong gabing iyon. Naging mas abala na rin siya sa kanyang mga trabaho sa kanyang grupo at sa kanyang relihiyon. Naging mas aktibo siya sa out-of-town missions, na hindi ko pa naman kayang/gustong gawin. Alam naman naming gumagawa kami ng paraan para magpatuloy ang pagkakaibigan namin, pero habang tumatagal, mas nagiging masaklaw ang aming pagtingin sa mga bagay-bagay, at hindi namin napigilan ang pagtutuon ng pansin sa aming magkaibang interes na nagiging sanhi ng tunggalian.

Circumscribing: Nagpapakita pa rin ako sa prayer rallies at youth gatherings pero hindi na naging regular ang aming pagkakape tuwing matatapos ang mga gawain sa simbahan. Kinakamusta rin niya minsan ang mga naisusulat ko, pero hindi ko na pinapabasa sa kanya tulad noong una kaming nagkakilala. Parang palaging pahaging ang aming pag-uusap, dumadaan lang sa mga harap namin pero hindi naman pumapasok sa loob gaya noon. Nagkakasundo lang kami kapag inaalala namin ang masasayang alaala sa aming Kom 3 class—ang mga aktibiti, ang mga dula-dulaan, ang makukulit pero masasayang classmates at groupmates. Sana’y palagi na lang masaya, sana’y katulad pa rin ng dati. Kahit paulit-ulit naming sabihin iyon ay alam na naming hindi na kami magbabalik sa mga dati naming sarili, kahit na gustuhin pa namin ito.

Stagnating, Avoiding, Terminating. Natapos na namin ang huling requirement para sa aming subject. Inilagay na namin ito sa pigeonhole ni Mam. Nagpaalam kami sa isa’t isa. Pupunta raw siya sa tambayan ng Youth on FIRE, ako naman sa UGAT. Nagpalitan kami ng mga walang kabuhay-buhay na “sige,” tumalikod at naglakad papalayo sa isa’t isa. Siguro’y magkikita pa kami sa ibang mga subject. Siguro’y magiging partners uli kami. Siguro’y magkukuwentuhan uli kami ng mga paborito naming eksena sa klase at buhay sa ibang panahon at pagkakataon.

Siguro.

Tuesday, November 16, 2004

isang di masyadong seryosong kwento--SHET

maikling kuwento raw ito, pero sigurado akong may isa o dalawa (o higit pa) sa inyong may ganitong karanasan, o kaya'y may kakilalang may kaparehong kuwento. subukang ihambing sa dalawang naunang sanaysay.

Shet
(Para sa mga natatae na wala sa oras at wala sa lugar.)
ni Mike Villar

Shet.

Natatae ako.

Nagdeposito naman ako kaninang umaga sa sagradong trono namin pero eto ako’t tila may nagrarambulang mga bulate sa loob ng tiyan ko’t mismong ang mga isaw ko na ang kinakain. Hindi naman ako umorder ng ice cream at softdrinks combo pero eto ako’t pinagpapawisan sa loob ng de aircon na restaurant. Ang masama nito, nasa harapan ko pa ang dream girl ko. First date pa naman namin. Minsan lang akong makatsamba ng Caucasian beauty. Ang hassle naman siguro kung sa una pa lang naming date ay magkakalat na agad ako ng mala-champuradong dyebs sa harapan niya. Buti na lang at busy siya sa pagte-text at mabilisan kong napupunasan ang pawis ko.

“What’s that sound?”

Shet.

Nautot ako.

Dahan-dahan ko na ngang pinasabog iyung lagumpit sa loob ng sikmura ko pero narinig pa rin niya. Buti na lang at hindi umabot sa kanya iyung vibration. Nagpalusot na lang ako’t sinabi ko na baka ringing tone ng cellphone ng lalaking nasa likuran niya. Tumingin siya sa likod niya kaya sinamantala ko na ito at maingat na ni-release iyung gas na bumagabag sa akin. Pinipilit ko na umutot ng walang tunog pero mahirap talagang gawin lalo na’t naiipit ng upuan ang puwet ko’t walang ispasyo para pagdaluyan ng matinding hangin—or utot for short. Baka naman kasi mahalata ako kung iaangat ko yung isang bahagi ng puwet ko para sa pag-release.

Shet.

May sumama.

U.S.T.—as in Utot Sabay Tae na yata itong nangyari sa’kin. Hindi puwede mangyari ‘to. Hindi puwede. Ngayon pa! Kung kailan pa namang nakaputing slacks ako, tsaka pa ako magkakalat. Pero false alarm ata. Muhkang hindi pa naman ako tinatagusan. Pero kahit na. Hindi ko alam kung hanggang kailan ko ‘to matitiis. Concentrate na concentrate na nga ako rito para lang huwag sumilip ‘yung dulo ng ebak ko sa butas ng puwet ko. Huwag lang sana akong gulatin at baka bigla ko na lang itong maibulwak.

“Tikman mo ‘to. It’s so sarap. Aaaah—”

Shet.

She’s sweet.

And I’m sour. Nangangasim na ‘yung sikmura ko sa sakit. Nadagdagan pa ‘tong laman ng tiyan ko dahil sa sinubo niyang chocolate cake. Hindi ko tuloy alam kung dapat kong i-appreciate ‘yung ginawa ng date ko dahil mukhang nakapagpalala lang ‘yung ka-sweetan niya sa kalagayan ko.

“Excuse me, I’ll just go to the Comfort Room.”

Shet.

Naunahan ako.

Gusto ko na rin sanang sumabay sa kanya pero hindi puwede dahil iniwan niya ‘yung mga shopping bag niya sa mesa’t hindi ko naman din puwedeng iwan. Ang hassle naman siguro kung dadalhin ko sa loob ng men’s room. Kaya ang ginawa ko, pumikit na lang ako’t nagmeditate na sana magkaroon ako ng peace of mind—and stomach. Buti na lang at mabilis lang ang mga ritwal niya sa loob ng CR. Hindi na ako nagdalawang isip at ako naman ang tumayo at nagpaalam na magbabanyo.

“Maghihilamos lang.”

Shet.

Ang defensive ko.

Palapit ako ng palapit sa CR, lalong nalalaglag ang atomic bomb. Nasa second floor pa ‘yung banyo’t sa bawat hakbang ko sa hagdanan ay may utot na ‘di ko mapigilang huwag mailabas. Umuubo na lang ako ng pasadya para hindi marinig ng mga taong nasasalubong ko. Sa wakas ay nakarating na rin ako sa paroroonan. Sandali lang ‘to. Sigurado akong pagkaupong-pagkaupo ko sa inidoro, wala pang 10 seconds at tapos na ako.

Shet.

Ang daming tao.

Hindi pa naman ako sanay ng tumatae sa mga public toilet. Bukod sa masikip, nakakahiya rin kasi baka mamaya, maingay ang pagwiwithraw ko’t marinig ng lahat. Baka ikalat pa nila paglabas nila’t baka umabot pa sa date ko. Mahirap na. Mas mabuti na ‘yung sigurado’t ligtas sa anu mang kahihiyan. Pero hindi pa rin nawawala sa isipan ko na mas nakakahiya ang matae sa brief kaysa sa marinig ang utot habang tumatae. Kaya nga nag-iisip ako ng paraan kung paano ko mapapalabas ‘tong mga barako. Nag-isip muna ako sa labas ng banyo nang nakaupo’t nakadikit ang puwet sa may paanan ko para mapigilan ang anumang pagbulwak ng—

Shet.

Alam ko na.

Pumasok ako sa banyo’t nakisiksik sa mga taong nagsasalamin. Naghugas ako ng kamay sabay bunot ng suklay sa bulsa ko’t inayos ang buhok kong hindi naman magulo. Naka-gel pa nga. Siguro mga apat kaming nakatingin sa salamin at nagpapapogi. May dalawa namang umiihi. Buti na lang at libre ‘yung kaisa-isang inidoro sa banyo.

“Sexy pala talaga sa personal si Joyce Jimenez ‘no? Grabe, dati pinapanuod ko lang siya sa sinehan. Ngayon, nagsawa ako sa kakatingin sa kanya sa labas. Mag-isa nga lang na kumakain! Nagpa-autograph pa ‘ko!”

Wala pang isang segundo ang lumilipas at nasa labas na ang mga kasama ko sa banyo. Lumabas ang mga tunay na kulay. Minsan pala ay nakakatulong ang pagiging manyakis ng mga lalaki sa kanilang kapwa, lalo na sa kalagayan ko. Mag-isa na lang ako sa CR. Ako na ang hari ngayon. Kaya uupo na ang hari sa trono.

Shet.

Ang sarap.

Smooth ang flow. Smooth ang sound. Smooth ang atmosphere. Smooth ang feeling. Smooth lahat. Sa wakas at nakaraos din. Ang sarap ng pakiramdam. Ayos, punas time na.

Shet.

Walang tissue.

Baka magtaka na ‘yung date ko. Baka isipin niya na umebak ako. Teka, totoo naman. Pero hassle. Ang hirap gumalaw. Baka may tumulong tidbits kapag naglakad ako papuntang lababo. Wa epek din. Walang tabo.

Shet.

Sana may pumasok na para may mautusan.

dalawang sanaysay tungkol sa alaala

magandang araw! tingnan ninyo kung paano inilahad ng dalawang manunulat ang kanilang mga alaala at pag-isipan kung ano ang pagkakatulad o pagkakaiba sa inyong mga sariling karanasan.

Bisikleta
Ni Mykel Francis C. Andrada


Dito sa No. 20 Iba St., Sta. Mesa Heights, Quezon City ako unang natutong magbisikleta. Anim na taon ako, tag-init, binilhan ako ng Nanay ng bagong bisikleta. ‘Yung matagal ko nang inaawitan dahil naiinggit ako sa magarang bisikleta ng pinsan kong si Kuya Alvin. Maganda ang pulang bisikleta ko – may busina at angkasan, at balancer para di ako sumemplang.

Masarap ang halik ng hangin sa mukha. ‘Pag nagbibisikleta ako noon, pinagmamasdan ako ng ibang mga bata. Sinasabi nila sa akin: “Paangkas naman, pahiram naman, bago ‘yan a, sige na hindi naman namin sisirain.” Sasagutin ko naman sila ng: “Baka ma-flat ang gulong.” Tapos sabi nung kababata kong si Jojie na talagang mapilit: “Hindi ko ‘yan mafa-flat, maingat naman ako, at tsaka sabi nung Nanay ko dapat lang na pahiramin mo ako kasi inutang ng Nanay mo sa Nanay ko ang pambili ng bisikleta mo.”

Masarap ang pagsuklay ng hangin sa buhok. Parang daliri ng Nanay kapag pinapatulog ako. Iyon bang pakiramdam na kumportable ka, parang walang mangyayaring masama sa ‘yo habang natutulog ka dahil alam mong binabantayan ka. Iyon bang kampante kang may sasaklolo sa ‘yo sakaling mahulog ka sa bisikleta. Minsan, nakaka-miss ang ganung pakirarmdam.

Hindi naman ako maramot na bata noon. Kaya lang gusto ko pang magbisikleta nang magbisikleta. Gusto kong ikutin ang buong barangay namin, bumisita sa ibang kalyeng hindi ko pa napupuntahan, tingnan kung magaganda ba ang bahay doon, o pangit tulad ng sa amin. Gusto ko ring madiskubre kung mas mura ba ang halo-halo sa tindahan malapit sa amin o may ibang tindahang nagbebenta ng mas murang halo-halo.

Araw-araw, iba’t ibang kalye ang binibisita ko. Minsan, nasumpungan kong pumunta sa may riles ng tren sa may Algeciras – doon sa may hanay ng mga bahay, doon sa kung saan napakaraming bata. Sabi ng kapitbahay naming matanda, delikado raw doon dahil maraming magnanakaw, baka agawin ang bisikleta ko, ‘pag nangyari raw iyon, lagot ako sa Nanay ko.

Pero pumunta pa rin ako roon. Anumang ipinagbabawal ay siyang gustong-gusto ko namang gawin. Walang may bisikleta roon, kaya nang dumating ako, sinalubong ako ng mga batang-Algeciras – nahihiyang hindi mo maintindihan ang mga matang nakatitig sa akin, sa bisikleta kong pula. Madungis ang kanilang mga mukha at puro libag ang mga braso’t kamay, sunog sa araw ang kanilang mga buhok, at may alingasaw ang kanilang balat. Walang may bisikleta roon. Ang tanging may gulong doon ay ang tren na maya’t maya’y dumaraan – na para sa akin ay kamangha-mangha at kakaiba ngunit para sa kanila ay pangkaraniwang tanawin lamang.

Sa hanay ng nahihiya’t malalamlam na mga mata, sa wakas, ay may nagtangka na ring kumindat sa akin – pasakayin mo naman kami sa bisikleta mo – alok ng mata ng noon siguro’y limang taong-gulang na batang lalaking hindi ko man lamang alam ang pangalan. Hindi naman ako maramot na bata noon pero natakot din ako sa babala ng matandang babae sa kanto ng Iba na laging nananabako tuwing tanghaling tapat.

Sabi ko, “Hindi puwede kasi kailangan ko nang umalis dahil hapon na at papagalitan ako ng Nanay ko ‘pag dumating siya sa bahay at wala ako roon.” Sabi ng batang lalaking hindi ko man lamang natanong ang pangalan, “Sige na, hindi pa ako nakakasakay sa bisikleta at tsaka hindi ko naman nanakawin ‘yan.” Sabi ko, “Hindi talaga puwede kasi kailangan ko nang umalis dahil hapon na at papagalitan ako ng Nanay ko ‘pag dumating siya sa bahay at wala ako roon.

Sabi ng batang lalaking hindi ko man lamang natanong ang pangalan, “Putang ina mo! Madamot ka! Mabangga ka sana!”

Dumidilim na ang langit. Umuwi akong maulap ang mga mata.


INTEROGASYON SA KATAHIMIKAN
jay fernando iii

Walong taon na siyang patay.

Ang totoo’y unti-unti na rin siyang nabubura sa aking isip, minsan-minsan ko na lang siya naaalala. Tulad halimbawa ngayon na anibersaryo ng kanyang kamatayan. Kagabi, may magaan na ulan at kaysarap matulog. Itininuro niya sa akin ang halaga ng himbing. Mawala na ang lahat, huwag lang daw ang kakayahang makatulog nang mahimbing. At oo nga. Unang ninakaw ng kanser ang kakayahan niyang makatulog.

• • •

Si nanay ang pinakamatalinong tao para sa akin. Kapag may nasirang laruan o gamit sa bahay, si nanay ang tinatawag ko. Kapag may problema sa eskwelahan, si nanay ang sumasagot. Mula sa pinakamaliliit, hanggang sa pinakamahahalaga, siya ang bahala. Kaya nang mamatay ang nanay sa kanser, parang pinutulan ako ng mga binti. Maikli lang ang buhay ng tao, sabi ni nanay, Minsan nga, sa sobrang dami ng gusto mong mangyari at sa sobrang bilis ng panahon, hindi ka pa nagsisimula’y di mo alam, kailangan mo nang magtapos. Bata pa ako nang sabihin niya iyon sa akin. Hindi ko siya naintindihan – kaya sa loob ng apat na segundo mula nang tumuntong ako sa loob ng bahay namin at makita ang puting mumurahing kabaong ni nanay sa gitna ng salas hanggang sa pag-akyat ko ng hagdan para magpalit ng damit – galing ako sa eskwelahan – naramdaman kong bigla akong tumanda ng sampung taon. Naintindihan ko ang kanyang sinabi tungkol sa bilis at bagal ng panahon, sa haba at ikli ng buhay. Lalo na kung may mga bagay kang gustong gawin ngunit hindi alam kung papaano.

Kapag namamatay ang isang tao, unang namamatay ang kanyang tae. Halos nagiging malabnaw na putik, parang upos ng sigarilyo na nalusaw sa beer, o kaya’y corned beef na naparami ang sabaw. Wala na ang bahid ng dilaw at pula at bahagyang-bahagya na lang ang atake nito sa ilong. Amoy matapang na kape na hinaluan ng alkohol. Wala na ang kaluluwa ng ‘pagka-tae’ sa taeng ito. Alam ko. Maraming beses na akong nakakita sa bedpan at sa sahig, nilabhan ang mantsa mula sa mga punda ng unan at sa kumot, tinanggal mula sa sandalan ng tumba-tumba. Ika nga’y nabahiran na ang aking mga kamay ng tae ng kamatayan. Hindi nagpapasabi ang tae ng kamatayan. Napansin ko na lang nang minsang naghugas ako ng arinola ni nanay na nag-iba na ang kulay ng kanyang inilabas. Noong una nga’y natuwa pa ako dahil hindi na gaanong sumasalak ang amoy ng kanyang dumi sa aking lalamunan. Pati ang paglilinis ay naging mas madali. Isa pa, kasabay ng pagbabago ng tae ang pagbabago ng maraming mga bagay. Sa kanya at sa akin.

Laging walang tigil si nanay sa pag-iyak tuwing madaling araw. Ayaw pa raw niyang umalis, hindi pa natutupad ang marami sa aming mga pangarap, Paano ko magagawang umalis ngayon? Pero walang puwang ang kanyang mga pangarap sa disoras ng gabi. Kapag sinasabi niyang hindi pa niya kayang mamatay, gusto kong maduwal. Nang mga panahong iyon, nakabarang parang isang kutsarang arina ang lungkot sa aking lalamunan. Pero nang nagsimula na siyang dumumi ng itim, hindi na sumisigaw si nanay tuwing gabi, hindi na siya nagtatanong, ni hindi na nga siya gaanong nagsasalita. Mga iling na lang ang kaya niyang gawin. Kasing kaunti ng duming kanyang inilalabas ang mga katagang kaya niyang sabihin. Minsan, habang sinusubuan ko siya ng malabnaw na lugaw, nakita kong nakatitig siya sa akin. Tanda ko pang inihinto ko muna ang pagpapakain at tinitigan ko rin siya sa mata. Nagtititigan lang kami, tulad ng ginagawa namin noong bata pa ako, noong nagagawa pa naming maglaro. Talo ang unang kumurap.

Nakatitig siya sa akin. Nakatitig ako pero hindi ko magawang tumingin nang diretso. Wala akong lakas ng loob. Pakiramdam ko’y tila ba hinuhubaran ako ni nanay, may hinahanap siya sa loob ng aking mga mata. Ang totoo’y gusto kong magtapat kay nanay ng isang mahalagang bagay bago siya mamatay ngunit maging ako’y di na marinig ang sariling tinig. Marahas na mangingibig ang Katahimikan. Sakal-sakal ako ng di-mawaring pagkabingi.

Paano ako makapagpapaliwanag ng mga bagay na maging ako’y hindi rin maintindihan? At bakit ngayon pa kung kailan dumudumi na siya ng itim? Kung kailan hindi na niya ako maiintindihan? Bakit hindi noong malakas pa siya? At paano ko sasabihin ang mga bagay na hindi matandaan kung paano naganap? Parang trailer sa pelikula, puro eksena, walang pinanggalingan at walang pinatunguhan. Hindi ko siya mapapaniwalang hindi ko ginusto ang mga nangyari – dahil pati ako’y hindi ko rin mapaniwala. Hindi ko masasabi kay nanay na sumunod ako sa pag-akyat at hindi pinilit – ako ang yumakap, tulad ng sinabi sa akin. Na lumukso ang siyam na taong gulang kong dugo pagkakita sa matigas, nagmamayabang, nangangalit na ari. Hindi ko masasabing sinunod ko lang ang bawat iutos sa akin dahil sa takot. Dahil hindi takot ang pumapangibabaw sa akin noong mga panahong iyon.

Paano ko ipapaliwanag na hindi ko magawang magsumbong dahil hindi ko alam kung ano ang mali? Dahil ang totoo’y ginusto ko rin naman. Gusto ko ang pakiramdam sa aking bibig ng init, ng alat at pait, ng tigas. Pero siyam na taon ako kahit na ako na ang naghanap ng susunod pang mga pagkakataon. Paano ko sasabihing kaya ako naiihi sa kama noon at gumigising sa gitna ng gabi na humahangos, pinagpapawisan ng tasa-tasa, dahil nananaginip ako ng paglangoy sa puting-puting dagat ng dagta. Paano ko sasabihing sa panaginip, nahihirapan akong huminga dahil sa malaking ari na nakabaon sa aking mukha?

Nabibilaukan ako. Nabibilaukan ako sa hiya. Sa kanya, sa sarili. Sa kawalan ko ng lakas ng loob, sa kawalan namin ng panahon para sa ganitong mga bagay. Hindi ko kayang bigyan pa siya ng sama ng loob hanggang sa huli niyang hininga pero hinahabol ng panahon ang lahat ng mga pagtatapat. Lalo na ang mga bagay na nagpupumiglas mula sa dibdib. Tuwing sinusubuan ko si nanay ng malabnaw na lugaw at nakikita kong nakatingin siya sa akin, inilalapag ko muna ang kutsarita. Dahil ubod bigat ng kutsaritang iyon. Sa pagkakataong iyon, ginusto kong yakapin ang nanay. Pero pareho na kaming nahihirapang huminga.

• • •

Itininuro sa akin ni nanay ang halaga ng himbing. Mawala na ang lahat, huwag lang ang kakayahang makatulog nang mahimbing.

Kagabi, may magaan na ulan at kaysarap matulog. Ngunit ayaw akong papikitin ng mga alaala. Ang totoo’y unti-unti na rin siyang nabubura sa aking isip, minsan-minsan na lang siya kung dumalaw. Walong taon na siyang patay. Walong taon ng katahimikan.

1 oktubre 2003

ang pinoy ni vlad

magandang araw sa inyong lahat! ito ang blog na ginawa ni ser vlad para sa mga estudyante niyang inuubos ang internet time sa pakikipagchat, paglalaro ng ragnarok at pag-download ng porn (tsk, tsk).

dito ako mag-iiwan ng mga nakatakdang babasahin, mga paalala at iba pang materyales na gagamitin natin sa klase.