Saturday, March 19, 2005

tomaan sessions ayon kay renei dimla

Tomaan Sesyons ni Quijano de Manila

Nasa ikalawang kaha na ng Beer na Beer si Nick. Kasalo na niya sa isang palaton ng tapa at hotdog ang isang mag- anak na ipis. Dahil sa pagkalito, maka-ilang beses na rin niyang isinubo at nginuya ang mga pinunit niyang pahina ng July 1986 issue ng Newsweek. Anim na oras na rin kasi niyang niyuyugyog ang kanyang utak sa pag-iisip ng susunod na linya ni Conchita Vidal, ang kanyang Woman with Two Navels pero kahit na namura na niya ang lahat ng santo at santa na napag-aralan niya sa seminaryo sa Hong Kong, hindi pa rin niya masundan ang nabinbing talata ng kanyang kwento.
Nakalupasay na siya sa sahig at halos mahimod na niya ang berdeng alpombrang kapapagpag lang ng kasama niyang boy sa bahay. Pinakikinggan niya ang Gin Pomelo ng Radioactive Sago Project habang pinagmamasdan ang mga nagsisigapang na hantik na may mga bitbit- bitbit na mugmog ng chicharon. Sa totoo lang, sa kabila ng dose- dosenang bote ng alak na natoma na niya at sa kasalukuyan niyang posisyon sa lapag, hindi pa siya lasing. Problema lang talaga niya ang susunod na sasabihin ni Ms. Vidal--- ‘yun lang naman.
Dati naman kasi ay hindi siya ganito. Gamay na gamay pa nga niya ang bawat salita at pangungusap na iniluluwal ng kanyang makinilya. Humihinto lamang siya upang sumubo ng pulutan at lumagok ng beer mula sa nagpapawis niyang mug na nag-uumapaw sa yelo. Maliban doon ay mabilis naman siyang nakakapag-isip ng diyalogo ng kanyang mga karakter, mga linyang di magtatagal ay magiging pamoso sa mga sirkulo ng manunulat ng literatura. Habang patuloy siyang nakikinig ng Gin Pomelo ng Radioactive Sago Project at pinagmamasdan ang mga nagsisigapang na hantik na may mga bitbit- bitbit na mugmog ng chicharon, bigla niyang napagtanto ang lahat.
Sawa na siya sa pagsusulat ng mga produkto ng imahinasyon, mga ideyang binigyang lohika ng mga kasinungalingan. Dali- dali siyang bumangon at isinuot ang polong nakasampay sa sandalan ng sofa at mabilis niyang tinungo ang kanyang paboritong Intramuros sa paniniwalang mahahanap niya sa mga gumuho nitong pader ang katotohanang bubuo sa kanyang nobela, ang kanyang musang may dalawang pusod…
Nabuksan na niya ang pinto ng taxi bago pa man ito huminto. Hindi na nga niya pinansin ang iniaabot sa kanyang sukli ng Arabong drayber. Kailangan niya kasing makita ang kanyang musa bago pa man ito lamunin ng nalalapit na gabi. Sabik niyang inisa-isa ang bawat babaeng nakasalubong niya, masigasig na itinatanong sa mga ito kung dalawa ba ang kanilang pusod. Pinagtawanan lamang siya ng marami sa pag-aakalang nagbibiro lamang siya. May mangilan-ngilan na nagalit at natakot. Nabulabog ang buong Intramuros. Mabilis na kumalat ang balitang doon sa may lawang nalalatagan ng mga rosas na lotus ay may isang huklubang naghahanap ng Ebang may dalawang pusod…
Tumigil lamang si Nick nang nasukluban na ng dilim ang buong kalangitan. Hangos na hangos siyang napaupo sa basang damuhan. Tinukop ng kanyang ugatang kamay ang kanyang mukhang hinuhugasan ng umaagos na luha. Wala na ang pag-asang matatapos pa niya ang kwento ng kanyang Woman with Two Navels dahil nabigo siyang matagpuan ang katotohanang bubuo sa kanyang nobela, ang babaeng may dalawang pusod…
Tumungga siya ng isang bote ng beer sa kanyang pagdating at inilugmok ang sarili sa berdeng alpombrang kapapagpag lang ng kasama niyang boy sa bahay. Pilit niyang inabot ang July 1986 issue ng Newsweek, tapos ay pumilas ng isang pahina na kanyang isinubo at marahang nginuya. Naubos na ng pamilya ng ipis ang isang palaton ng tapa at hotdog- marahil sa tulong ng mga daga. Kanina pa natapos ang Gin Pomelo, ngayon Astro na swabe at mabango naman ang inaawit ng Radioactive Sago Project, nakaakyat na rin sa kisame ang lahat ng hantik na may mga bitbit-bitbit na mugmog na chicharon.
Mag-isa na lamang si Nick.
Hinubad niya and polong tigib ng pawis na nakakapit sa kanyang balat at muli siyang tumungga ng beer. Hindi pa siya lasing, nararamdaman pa rin niya ang mainit na hagod ng alak mula sa kanyang lalamunan hangang sa nagngingitngit niyang mga lamang loob. Ipinatong niya ang kanyang kaliwang palad upang damhin nito ang hiwaga ng alkohol sa loob ng kanyang katawan. Marahang hinimas ng kanyang mga daliri ang nangangarilang niyang tiyan… at ang dalawang butas na nakapugad doon.
At ang dalawang butas na nakapugad doon.
Lumagok si Nick Joaquin ng Beer na Beer at siya’y ngumiti.

***

Tomaan Sesyons ni Quijano de Manila 2

Nagpahatid si Nick sa kanyang pamangkin sa Intramuros. Magkaakay nilang binaybay ang mga paraanan patungo sa entrada ng binakurang siyudad. Mag- aalas kwatro kwarenta na nang sila’y makarating doon.
Lango si Nick. Itinumba niya ang isa’t kalahating kaha ng Beer na Beer nung umagang iyon habang binabasa niya sa ika- tatlumpu’t- tatlong pagkakataon ang Crime and Punishment ni Dostoyevsky. Nagpa-iwan siyang mag-isa pagdating sa Intamuros tulad ng dating gawi, ayaw kasi niyang may kasama habang naglalakad.
Pumasok na si Nick. Sumara ang pinto. Tutunguhin na sana niya ang lawang may mga rosas na lotus kung saan siya madalas, ngunit puno ang daanan ng mga pinagtagni- tagning bahagi ng katawang itinumpok sa damuhan. May mga kalansay ngunit kulang-kulang ang mga buto at mga bitukang naglambitin sa mga poste ng mga lamparang ‘di pa nakasindi. Mula sa mga pader ay kumakatas ang tila malapot na uhog na marahang lumalamon sa mga matang nakapasak sa mga lamat ng batuhang dingding. Nauulinigan sa paligid ang walang humpay na pagpindot sa makinilyang matagal nang hindi nalalangisan.
Biglang nagulat si Nick. Habang nakatayo siya, isang lobong kulay kahel ang humimod sa kanyang binti. Nang tiningnan niya itong muli, dumami ito at naging walumpu’t- pito. May walumpu’t pitong lobong kulay kahel na ang humihimod sa mga binti ni Nick, lahat ng iyon ay sumubo mula sa isang bote ng Beer na Beer na lumulutang sa ibabaw ng mga tumpok ng pinagtagni-tagning bahagi ng katawan.
Nagpupumiglas si Nick. Nabigla siya at iyon lang ang nakaya niyang gawin. Pinagtatadyakan niya ang mga lobong kulay kahel at buong bilis siyang tumakbo palayo. Hindi siya hinabol ng mga ito taliwas sa kanyang inaasahan, sa halip ay isa-isa itong nagsibalik sa bunganga ng bote ng Beer na Beer na lumulutang sa ibabaw ng mga tumpok ng pinagtagni-tagning bahagi ng katawan.
Patuloy sa pagtakbo si Nick. Akla niya’y hinahabol siya ng mga lobong kulay kahel. Wala siyang pakialam kahit masalisod niya ang damuhang nababalutan ng mga tumpok ng pinagtagni-tagning bahagi ng katawan. Hindi na rin niya ininda ang maya’t maya’y pagbangga niya sa mga kalansay na kulang-kulang ang mga buto at ang madalas na paghampas sa kanyang mukha ng mga bitukang naglambitin sa mga poste ng lamparang ‘di pa nakasindi. Wala na rin siyang pakialam kahit matapakan niya sa kanyang pagmamadali ang isang sariwang matang balot ng malapot na uhog na gumulong mula sa isang lamat sa dingding Tinakpan niya ang kanyang mga tainga upang di maulinigan ang walang humpay na pagpindot sa makinilyang matagal nang ‘di nalangisan na lumalakas sa kanyang bawat paghakbang.
Patungo na sa direksyon ng lawang nalalatagan ng mga rosas na lotus si Nick. Natanaw kasi niya na wala roon ang mga kabaliwang nasaksihan niya sa malawak na damuhan ng kanyang pinakamamahal na Intramuros. Binilisan pa niya ang pagtakbo. Binilisan pa niya hanggat hindi niya nadama ang lamig ng tubig na dumidila sa kanyang pagod na mga paa.
Malapit na.
Ipinikit ni Nick Joaquin ang kanyang mga mata at nang nadama niya ang tubig ay isinuko na niya ang kanyang sarili sa lawang nalalatagan pala, hindi ng mga rosas na lotus kundi ng mga nagsisi-angil na ahas.

***

Tomaan Sesyons ni Quijano de Manila 3

Hinahabol ni Nick ang kanyang deadline. Mabilis niyang kinabig ang makinilyang malagkit na dahil sa mantika ng tapang pinupulutan niya. Isinuksok niya ang isa na namang papel at nagsimula na naman ng panibagong pahina. Hindi man lang nga niya makuhang tumoma, halos dalawampu’t dalawang oras na siyang tigang sa Beer na Beer. Lalo namang wala na siyang panahon para pagmuni-munian pa ang kapaligiran. Dalawampu’t- dalawang oras na siyang patuloy na nagsusulat ng walang pahinga, dalawampu’t-dalawang oras na rin siyang walang pakialam sa mundo.
Sa kanyang paligid, dahan-dahang umuusbong mula sa singit ng mga hanay ng inaamag niyang mga aklat ang mga puting hasming ang katas ay masangsang na nana. Nilalapitan ito ng mga bubuyog na pinag-aagawan pa ang nagbubugang likidong nakasusulasok ang amoy. Ihahandog nila iyon sa pinipintakasing reynang nais nilang lahat makatalik.
Sa paanan ni Nick, ang sahig ay nagluluwal ng mga dilaw na niyebe na sa paglipad ay biglang mag-aapoy at tuluyang matutunaw, kasabay rin ng mga niyebeng ito, nilikha ng sahig ang isang nilalang na nakahubad.
Naalimpungatang bigla si Nick. Namalayan niya ang tikas ng isang taong walang imik na nakatayo sa kanyang harapan pero patuloy pa rin siya sa pagsusulat. Wala siyang oras para huminto kahit sandali upang pagmasdan pa ang bagong dating na animo’y may hinihintay mula sa kanya. Pilit niyang hinahabol ang bugso ng mga ideyang mas mabilis pa sa kanyang mga daliri sa ibabaw ng makinilya, lalo pa siyang nagmadali at pilit inalis sa kanyang isipan ang nilalang na nakahubad.
Ngunit mas lumapit pa ito sa kanya na tila nananadya at hinimas ang kanyang mukha ng mababango nitong palad. Tapos ay nadama ni Nick ang unti- unti nitong pagpalupot sa kanyang payat na katawan at ang dibdib nitong marahang humahalik at nagpapainit sa kanyang likuran. Naamoy rin ni Nick mula sa kanyang pagkakadukmo sa makinilyang dalawampu’t- dalawang oras nang hindi nakakapagpahinga ang mahalimuyak nitong buhok na dumadantay sa kanyang leeg at ang lambot ng mga labi nitong humahalik sa kanyang tainga. Nahahalina na si Nick, nais na sana niyang tigilan ang pagsusulat at dakmain na lang ang nilalang na nakahubad na nakapalupot sa kanya ngunit paano ang oras!
Dinalian pa ni Nick ang pagsusulat sa kabila ng magkakahalong niyang emosyon. Hindi pa rin siya tinatantanan ng kanyang mga ideya pero ‘di rin siya tinitigilan ng tuksong dala ng nilalang na nakahubad. Gusto na niyang matapos ang kanyang akda pero gusto na rin niyang ibalik ang mga halik niyang natatanggap. Binilisan niya ang pagsusulat. Binilisan pa niya. Bumukadkad ang isang libo pang puting hasming ang katas ay masansang na nana. Nag-aagawan pa rin ang mga bubuyog pero sa tabi ng baso ng Beer na Beer ni Nick ay di nila alam na buong sayang nakikipagniig na ang isa sa kanila sa pinipintakasing reyna sa ibabaw ng isang higaang yari sa nana.
Tuldok. Natapos na ni Nick ang isa na namang obra. Tumigil ang mga halik ng nilalang na nakahubad. Nagharap sila ni Nick sa unang pagkakataon. May kumakatok sa pinto upang kuhanin na ang kanyang manuskripto. Hindi ito pinansin ni Nick. Pumasok na ang kumakatok dahil hindi naman nakakandado ang pinto.
Nasaksihan ng taong iyon si Nick Joaquin na nakikipaghalikan sa isang lalaking nakahubad at kasabay ng niyebeng dilaw, ang dalawa ay lumipad, nag-apoy at tuluyang natunaw.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home