Saturday, July 02, 2005

humanidades 1: pagsasanay sa pagbabasa ng tula

magandang araw sa inyo, mga estudyante ni bb. will ortiz! pakidagdag ang tulang ito sa mga tulang tatalakayin natin sa susunod na pagkikita. magandang basahin ang tulang ito dahil madaling matukoy ang mga elementong bumubuo sa anyo ng tula bukod sa tugma, sukat, taludtod at saknong--ang tauhan (tagapagsalita, tagagawa ng kilos), balangkas ng pagpapahayag (pasalaysay o patanghal), talinghaga (anong mga salia ba ang dominanteng lumalabas sa tula/ anong mga imahen?), tagpo, dramatikong sitwasyon, layon (anong bagay/ tao/ atbp. bukod sa tagapagsalita at tagagawa ng kilos ang nasa tula? pansinin ang pamagat at makikita ang sagot), at iba pa.

sige, maligayang pagbabasa't magkita-kita tayo sa ating 10:30 at 12:00 na mga klase!

Pilat sa Sagwan
Tomas F. Agulto

Ang mahuli sa punduhan
Ang daratna'y baling sagwan
-Salawikain

May pilat ang dahon ng sagwan ni Ama
Nang sinupin ito't sa 'kin ipamana;
Bangka, lambat, lubid, buhol na hininga,
Nasanlang panatang naiwan kay Ina.

Mandaragat siyang suba ang panahon,
Upang mailuwas ang gabuslong layon.
May pataw ang dulang sa bawat maghapon:
Tatlong subong kanin ang dapat idaong.

Madilim ang laot na kanyang nilayag.
Sikap, lakas-loob ang katig-bangkilas;
Suwag ng salatan, damba ang habagat,
Nagdahik si Ama sa buhangi't burak.

Lingid na himagsik ng sagwan sa laot
Ang bukal ng kanyang paghinga't paggaod.
Sa huling daungan ng paghihikahos,
Natugpa si Ama'ng may sima ang loob.

Sa muling pagkampay ng sagwang nagsugat,
Lambat ng tadhana'y aking ihahayag.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home