Sunday, May 29, 2005

mp 10: buffy fan fiction

sa fan fiction na ginawa ni lea p. rojo, iniliugar niya sa up diliman si buffy at naging leading man pa si atom araullo. may halong pagpapatawa ang kuwentong nasa paksang "aktibista" na kinabibilangan ni bb. rojo.


REKADO: Isang Pakikibaka

Saktong kakagatin na si Buffy ng bampira nang dumating ang grupo ni Atom. Kasama niya sina Marco, Xander, at iba pang mga aktibista. Buong puwersang dumagsa roon ang STAND-UP kahit batid nilang wala silang laban sa mga bampira. Hindi nila alintana na ang pakikibakang iyon ay mangangahulugan ng pagbubuwis ng kanilang buhay. Hindi nila maaaring tanggihan ang paghingi ni Xander ng tulong. Bukod pa rito, hindi nila maaaring pabayaang mapahamak ang isang kagaya ni Buffy na nakatadhanang magtanggol sa mga naaaping manggagawa ng sangka-UPihan na nasasailalim sa pamamahala ng mga tutang bampira ng gobyerno.

Sa isang nakabibinging sipol ni Atom ay nagsibagsakan ang mga bulok na kamatis, kalamansi, sibuyas, at bawang sa kinaroroonan nina Buffy at ng bampira. Mabilis na kumalat ang napakabahong amoy ng mga iyon sa paligid. Buti na lang at laging may bitbit si Buffy na gas mask. Madalas kasing may anghit ang mga bampirang bigla na lamang susulpot para patayin siya. Sandata niya iyon para madikitan niya ang kalabang bampira. Mabilis na nasinghot ng bampira ang nakakamatay na amoy. May lahing aswang pa pala ang bampira kung kaya sa isang iglap ay natunaw na lamang ito. Ang mga aktibista naman ay hindi apektado sa naaamoy dahil mas matindi pa ang amoy nila roon. Sanay na rin sila sa ganoon dahil simula pa man nang mga unang taon ng kanilang pakikibaka ay iyon ang natatangi nilang sandata para labanan ang mga bampira ng gobyerno.

Magkasabay na inilahad nina Atom at Marco ang kanilang mga palad upang tulungang bumangon si Buffy mula sa pagkakahiga sa kahon. Si Atom sa kanang kamy at si Marco naman sa kaliwa. Ito ang hudyat ng pagsasanib nila ng puwersa. Mapapapayag nila si Buffy na sumali sa STAND-UP. Dalawang taon na rin kasing nililigawan ng grupo si Buffy dahil nakikita nilang malaki ang gagampanan niyang papel sa matagal na nilang minimithing pagkakaisa at sama-samang pagkilos hindi lamang ng mga estudyante kung ‘di ang lahat ng organisasyon sa UP. Kinikilala kasi si Buffy dahil sa taglay niyang tapang at lakas ng loob sa pagpatay sa mga bampira. Siya lagi ang frontpage sa Kule. Kinatatakutan din siya paminsan. Ayon sa itinadhana, siya ang natatanging paraan upang mapukaw ang mga natutulog na damdamin ng mga mag-aaral. Siya ang magmumulat sa mga ito na dapat maging vigilante ang lahat at mangialam sa mga pamamalakad ng gobyerno.

Lingid sa kaalaman ni Buffy ang mga pangyayaring ito. Hindi rin niya alam na lagi pala siyang nababalita sa Kule. Hindi kasi siya mahilig magbasa ng diyaryo. Lingid din sa kanyang kaalaman na ang mga bampira palang nakakasagupa niya’t napapatay nang ‘di sinasadya ay ang mga mapang-aping opisyales ng gobyerno. Nalalaman na lamang niyang nasa isang sitwasyon siya na kung saan ay may bampirang gustong pumatay sa kanya kaya wala siyang ibang magawa kung ‘di ay labanan ang mga ito. Hindi rin niya sinasadya na patayin ang mga nakakalaban niya. Kinalimutan na niya ang pagpatay. Nito ngang pagpunta niya sa Hacienda Luisita ay hindi naman niya inaasahan na mayroong bampirang susugod sa kanya upang wakasan ang kanyang buhay. Nagpasama siya kay Xander sa Hacienda Luisita para magpatulong sa pagkuha ng tubo. Dalawang taon na kasing hindi siya kumakain o umiinom ng anumang matamis dahil sa kanyang diabetis. Pero hindi niya na napigilan, tama na ang kanyang pagtitimpi. Sisipsip siya ng tubo kahit anong mangyari. Nang sugurin siya ng mga bampira ay bigla na lamang tumakbo si Xander upang humingi ng tulong sa grupo nina Atom na nasa bodega ng mga sandaling iyon upang alamin ang dahilan ng pagkamatay ng tatlong magtutubo. Dahil sa pagkakaligtas sa kanya ng grupo ay napapayag siyang sumali sa STAND-UP. Naisip niyang wala namang mawawala sa kanya, mas makakatulong pa nga siya sa mas madaming masa.

Tila alam na ni Atom na mapapapayag nilang sumanib si Buffy sa kanilang grupo. Marunong pala siyang manghula at natutunan niya iyon noong nasa 5 and Up pa siya. Kung anu-ano kasi ang pinagagawa doon sa kanila. Kaya, bago pa man sila tumungo sa Hacienda Luisita upang mag-imbestiga ay ibinilin niya sa mga natirang myembro ng STAND-UP na maghanda ng welcome party para kay Buffy. Buo ang kanyang paniniwalang makakadaupang palad nila si Buffy doon.

Laking gulat ni Buffy nang makita niya sina Willow, Cordelia, at Mr. Giles na magkakasama at masayang nagbi-videoke. Isang taon na palang kasapi ang tatlo sa grupo. Binati siya ng tatlo sa pamamagitan ng pagkanta ng “Uy…lumapit ka…kung gusto mo akong kagatin…’di kita bibitinin…alam na alam mo naman…ito’y gusto ko rin…alam na alam….

Hindi na natapos ang kanta. Biglang may nagsidatingan na mga bampira sa party. Narinig kasi ng mga bampira ang salitang “kagatin” kung kaya, tinatawag sila ng kanilang pangangailangan na tumikim ng tao. Sabay na dumating sina Kiko Pangilinan, Gloria Macapagal-Arroyo at Noynoy Aquino. Marami pa silang ibang kasama at sabay-sabay nang nagsisidatingan. Pagkatapos ng limang minuto, ang Vinzon’s Hall ay hindi na mahulugan ng karayom sa sobrang dami ng bampirang pumunta roon.

Hindi lang pala basta lakas at tapang ang kapangyarihan ni Buffy. Taglay din niya ang telekinetic power. Kaya niyang pagalawin ang ibang tao. Kaya niya ring kausapin ang mga ito sa pamamagitan ng isip. Isa lamang ang bilin niya sa lahat ng mga taong maaaring tumulong. “Dalhin ninyo ang lahat na bulok na kamatis, kalamansi, sibuyas, at bawang na maaari ninyong madala.” Pagkalipas ng sampung minuto ay napuno ang buong acad oval ng iba’t ibang uri ng tao. Nangyari nga ang matagal nang inaasam na pagbubuklud-buklod. Hindi lang mga estudyante kung ‘di ng lahat ng sangka-Upihan ang nagpaunlak sa tawag na iyon. Kung pagsasama-samahin nila ang lahat ng mga rekado na dala nila ay mapupuno ang Sunken Garden at pati na rin ang Lagoon.

Sa hindi mapaniwalaang kaganapan, ang mga bampira lamang ang nakakaamoy ng mga bulok na rekado. Maaring dahil sa bulok din silang lahat at ang pamamahala nila sa gobyerno. Isa-isa silang natunaw hanggang si Pangulong Gloria Arroyo na lamang ang natitira. Isang iglap na lang at makakamtam na nila ang tagumpay. Dahan-dahan nilang kinanta ang UP Naming Mahal at unti-unti’y umuusok na ang pangulo at natutunaw ang iba’t ibang parte ng kanyang katawan. Ang kanyang nunal na lamang ang natira. “Hindi magbabago ang damdamin…’Di rin magbabago ang damdamin!” Ang nunal ay biglang sumabog at ang mga piraso nito ay naging fireworks! Nagbunyi ang lahat.

1 Comments:

Blogger Rhealeth Ramos said...

astig!

11:48 PM

 

Post a Comment

<< Home