Thursday, July 28, 2005

paanyaya para sa isang proyekto

mayroon akong naisip na kalokohan-pero-may-saysay na proyekto, at inaanyayahan ko kayong lahat na makilahok dito. mas marami, mas masaya. narito ang detalye:

1. ang TRUE LOVE PROJECT. simple lang ito, padadalhan lang ninyo ako ng isang litrato, isang litrato ng taong minamahal ninyo sa iba't ibang paraan (kaibigan, magulang, taong di kilala na sinusundan at kinukuhaan ng litrato, kapatid), taong posibleng nariyan sa tabi ninyo, o kaya'y sa kung anong kasamaang palad ay hindi na ninyo kasama, nakakasama o makakasama (nakipag-break, nakaaway, nagpunta sa ibang bansa, o kaya'y pumanaw, kahit nga simpleng nakalimutan lang o napaglakihan lang, lahat ay pwede). may kasamang maiksing kwento-paliwanag (isang daang salita pababa) kung sino ang nasa litrato, kung bakit siya kabilang sa mga true love ninyo, at kung anu-ano pa. ilalagay ito sa cd, powerpoint presentation lang ang format. hindi ito kumikitang kabuhayan kaya wala akong maipapangakong bayad, espasyo lang para sa pagbabahagi ng inyong mga larawan at kuwentong-buhay.

2. kaugnay dito, may ginagawa akong koleksyon ng mga kwento't interesado akong malaman ang inyong interpretasyon sa mga kwentong ito. drowing, litrato, flash animation, digital art, kanta, sayaw, mga bungo ng tarsier na pinagpatong-patong at ginawang tiara, anumang medium na may kaugnayan sa mga kwento. kung interesado kayo, email ninyo ako sa vlad.gonzales@gmail.com, pinoynivlad@yahoo.com, o sa dirtypopmachine@yahoo.com. pwede kong iemail ang kopya ng mga kwento't ayun, diskartehan na ninyo. ilalagay ko rin ang mga gawa ninyo doon sa ipinaplanong cd, at maksisiguro kayong hindi ko naman aangkinin ang anumang maibibigay ninyo, bahaginan lang ito, susubukan nating paabutin sa mas maraming tao ang ating mga akda't likhang sining. sisimulan natin sa cd-book project na ito, pero ang ultimate goal talaga ay mai-upload ang lahat ng makolektang mga piyesa sa isang website na maaaring ma-access ng kahit sinong may internet. malayang bahaginan at pagkakataong kilitiin ang utak ng ibang mga tao't hikayatin silang lumikha, kasama rin yun sa plano.

3. sana'y mabigyan ninyo ako ng mga bagay-bagay, lalo na yung sa TRUE LOVE PROJECT, bago o pagdating ng 10 agosto. kung hindi man kayo makapagbigay sa petsang ito't bigla ninyong maisipang gumawa ng kung anong likhang-sining o magbahagi ng litrato sa mga susunod na raw, okey lang, email lang nang email sa mga address na nabanggit. yun. maraming salamat. hihintayin ko ang inyong tugon.

4. at isa pa pala, pakiforward sa mga kaibigan at kakilala, sa lahat ng pwedeng makapag-ambag. marami-rami rin yan, lahat naman siguro tayo'y may minahal at minamahal. keso, pero totoo.

5. salamat!

0 Comments:

Post a Comment

<< Home